Pet bills vs matitigas na ulong pedestrians

ISA sa mga pet bill na gusto ko sanang isalang sa Kongreso ay ang pag-alis ng criminal liability sa mga tsuper na nakasasagasa sa mga lugar na hindi naman talaga tawiran.

Tinangka ko itong ibulong sa mga kaibigan nating pulitiko pero parang takot silang gawin isulong ito dahil sa pangambang negatibo ang maging dating sa tao.

Pero kung iisipin nating mabuti, magbibigay ito ng panibagong kaisipan sa mga kababayan nating madalas makipagpatintero sa mga major roads.

Halimbawa na lamang ay ang NLEX at SLEX.

Mga super highways ito na talagang bawal tumawid pero may mga nangangahas pa rin maki-pagmano-mano sa mga sasakyang tumatakbo ng 120kph.

Sa Edsa, lalo na sa mga palusong at paakyat ng mga flyover, dapat ay walang puwedeng tumawid doon pero madalas makabundol ang mga motorista ng mga pedestrian na mahilig manggulat sa pagtawid.

Marami nang pamilya ang naulila dahil lamang sa pagbalewala ng mga kababayan natin sa mga simpleng traffic and pedestrian rule.

Naalala kong bigla ang pet bill na ito dahil nito lang isang araw, nasa world news ang pagkamatay ng R & B singer na si Natina Reed dahil nasagasaan ng rumagasang kotse sa Atlanta, Georgia.

Mismong mga pulis sa Lilburn Gwinnet County ang nagkumpirma na hindi nila puwedeng kasuhan ang driver ng kotse kahit namatay si Reed dahil unang-una, hindi lugar ng mga pedestrian ang kinaroroonan ng singer nang mabundol.

Kahit dito sa atin, naniniwala tayong kahit civil liability ay hindi dapat patawan ang mga tsuper  na nakasasagasa ng mga  tumatawid sa mga hindi naman dapat tawiran.

Dapat sagutin na ng estado ang pagpapalibing o kaya’y pagpapaga-mot sa kanila dahil kung mayroon mang negligence dito, dapat ay akuin ng gobyerno dahil sa kabiguan nitong disiplinahin ang mga tao.

Sa Marcos Highway patungong Cainta o kaya’y sa C5, marami na  rin ang namatay dahil sa sagasa ng mga humahagibis na sasakyan.

Katulad ng mga namamatay dahil nasagasaan ng tren ng PNR o ng MRT AT LRT, hindi ba’t hindi rin na-man nakakasuhan ang mga driver nito?

Dahil ang logic ng batas, hindi naman talaga tawiran ng tao ang riles ng tren na katulad din ng mga major roads.

Malungkot mang aminin, karamihan sa mga pedestrian ay hindi na alam kung ano ang kaibahan ng green at red light kaya kahit go, tawiran nang tawiran.

Kung gusto nating masagip ang maraming pamilya sa pagkaulila, kailangan tayong magkaroon ng ganitong klase ng batas upang maturuan din natin ang ating mga kababayan na sumunod sa batas-trapiko.

***

Lahat naman tayo ay gusto nang matapos ang kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao.

Hindi lamang para sa mga miyembro ng MILF bagkus sa maraming kababaihan at kabataang naging biktima ng walang puknat na karahasan.

Sa halos apat na dekadang gulo sa Mindanao, mahigit isandaang libo na ang namamatay kaya siguro ay sapat nang maging sacrificial lambs ang kanilang mga katawan para sa pagsusulong ng totohanang kapa-yapaan sa rehiyon.

Sa pagpirma ng gobyerno sa isang kasunduan sa MILF, talaga namang hindi tayo dapat maging negatibo, lalo na’t para sa kabutihan ng bayan.

Sa isang banda, ang nilagdaan ay frameworks pa lamang at hindi pa ito ang mismong buod ng kasunduan.

Ang importante lamang na ikunsidera rito ay huwag maging isang republika ang Bangsamoro  tulad ng nilalaman ng dating Memoran-dum of Agreememnt on Ancestral Domain.

Hindi dapat  magkaroon ang MILF  ng sariling pera, sariling pulis,  sariling sundalo at sariling foreign affairs.

Dapat manatili ang kasagradu-han ng Saligang Batas na isang gobyerno lamang ang iiral at ito ang dapat magsabi sa kanila ng mga dapat nilang gawin batay sa mga umiiral na dekreto ng bayan.

Pero paano nga pala ang pananagutan ng mga MILF members na kumatay sa 19 AFP soldiers sa Al-Barka, Basilan?

Hindi rin sila dapat makalusot kahit may nabubuong kasunduan.

Peace with justice ang tawag diyan, Chairman Murad!

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply