Petron taob sa San Mig Coffee

TINIMPLA ng San Mig Coffee ang 90-84 win laban sa Petron Blaze upang manatiling malinis sa dalawang laro ang Mixers sa PBA Philippine Cup eliminations kagabi.

Humigop ng 18 puntos, six rebounds at four assists si Mixer forward James Yap at hinalo ni PJ Simon ang kanyang 17 points upang ilaglag ang Boosters sa 1-2 win-loss slate.

Nagdagdag din ng init sina Yancy De Ocampo at Jonas Villanueva ng 14 at 10 pts. Ayon sa pagkakasunod upang solohin ang top spot sa Group A kung saan ay kapareho nila ng karta ang Talk ‘N Text Tropang Texters na mag-isa rin sa tuktok sa Group B.

Nakontrol ng Mixers ang laban sa tatlong period kaya pagdating sa fourth quarter ay kinapos sa paghahabol ang Petron Blaze.

Si Arwind Santos ang nanguna sa opensa para sa Boosters na may tinikadang 18 pts., walong boards at tatlong steals habang nagparamdam na ang bagitong si Jun Mar Fajardo dahil bumira ito ng double-double na 16 markers at 13 rebounds.

Samantala, sa unang sultada nilagok ng Alaska Aces ang unang panalo laban sa Barako Bull Energy Cola, 102-86 na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.

Kasalo ngayon ang Aces sa sixth to ninth places ang Boosters, Energy Cola at Air21 Express.

Rumatsada ng 25-3 run ang Aces sa third canto upang mamuhunan ng 16 puntos na abante at sa fourth quarter ay inalagaan na lang nila ang kanilang bentahe.

Nagsanib puwersa sina JVee Casio, Cyrus Baguio at Mac Baracael upang lagukin ang 24, 23 at 21puntos habang nag-ambag si Tony Dela Cruz ng 10 markers.

Sa Miyerkules (Okt. 17), naka iskedyul na labanan ng Tropang Texters ang Express sa ganap na 7:30 ng gabi habang sa unang laban na magsisimula ng 5:15 ng hapon ay maghaharap ang Global Port Batang Pier at Meralco Bolts na gaganapin pareho sa Mall of Asia arena.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply