Piston: Plate standardization plan ng LTO, pera-pera lang

INAKUSAHAN ng militanteng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide ang Land Transportation Office na isang money scheme lamang ang ikinakasang Motor Vehicle Plate Standardization Plan sa buong bansa na nakatakdang ipatupad simula Enero, 2013.

Ayon kay George San Mateo, National President ng PISTON, dagdag-pahirap at dagdag-gastusin sa mga public transport operators at maging sa mga pribadong motorista ang panibagong bayarin ang iniisip ng gobyernong Aquino.

”Sa gitna ng napakahirap na buhay ng mamamayan gaya naming namamasada sanhi ng mataas na presyo ng petrolyo at mga matataas na multa, buwis at bayarin ng gobyerno, eto na naman nakaisip na naman ang gobyernong Aquino ng panibagong money-making scheme sa pamamagitan ng Motor Vehicle Plate
Standardization Plan,” pahayag ni San Mateo

Ayon kay San Mateo, batay sa June 21, 2012 Draft Administrative Order ng LTO, obligadong magbayad ng P450 para sa panibagong plaka ang bawat motorista, kabilang na ang may-ari ng mga pampublikong sasakyan.

Ipinagtataka naman ni San Mateo ang pahayag ng LTO sa media at sa mga public consulation nito sa NCR, Dumaguete at Cebu na P120 diumano ang sisingilin para sa mga bagong plaka para sa mga motorsiklo at traysikel gayong hindi naman nakalagay sa Draft Administrative Order ang naturang halagang P120.

Napag-alaman na planong ipatupad ng gobyerno ang Motor Vehicle Plate Standardization simula sa Enero 2013.

Ani San Mateo, kung pagbabatayan ang datos ng mga rehistradong sasakyan sa buong bansa ay umaabot na ito ng may 6.2 milyon noong taong 2007 lamang puwera pa nitong kasalukuyang mga taon .

At kung susuriin, aniya, sakaling maipatupad ang proyekto inaasahan dito na hindi bababa sa P2.7 bilyong ang kikitain umano ng LTO mula sa pagpapatupad nito ng Motor Vehicle Standardization Plan (P450 million multiplied by 6.2 million Motor Vehicles Units nationwide).

”Ang masaklap at nakakagalit pa, nakasaad sa Section 3 ng Draft Adminsitrative Order na kailangang magpalit ng Plaka kada limang (5) taon. Ibig sabihin panibagong gastos at panibagong dambuhalang kita ng LTO mula sa pagsingil sa bagong plaka kada limang taon,” paghihinagpis pa ni San Mateo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply