PNoy hindi titigil sa paglaban sa kahirapan

WALANG balak si Pangulong Noynoy Aquino na itigil ang laban sa kahirapan ng bansa patunay dito ang mga programang inilapit nito sa publiko sa loob ng kanyang administrasyon.

Kitang-kita sa mga naglabasang survey ang tiwala ng publiko sa pangulo kasabay ng pananaw ng mga ito na kumpara sa mga nakaraang administrasyon, mas magaan ang kabuhayan ng mga Pilipino ngayon. Nagpapatunay lamang ang mga ito na gumaganda ang kalagayan ng bansa dahil mismong masang Pilipino ang nakadarama ng magandang pagbabago sa sitwasyon ng ating bansa.

Hanggang sa kasalukuyan, todo-kayod pa rin ang Pangulo upang maisakatuparan ang kanyang pangakong maitaguyod ang mga mamamayang Pilipino sa abot ng kanyang makakaya dahil ang mga Pinoy nga ang kanyang tunay na “boss.”

Subalit ang mga bumabanat sa kanya ay hindi kuntento sa mga ipinakikitang-gilas ng Pangulong Aquino sa pagpapaangat ng ekonomiya ng bansa. Natural, laging gagawa ng paraan at butas upang kontrahin ang anumang pahayag ng Palasyo. Sa madaling salita, para sa mga kritiko ni Aquino, wala itong ginawang tama.

Hindi naman manipis o balat sibuyas si PNoy sa mga pasaring at banat sa kanya kaugnay sa kanyang mga ginawa, ginagawa at gagawin pa subalit tulad ng ordinaryong tao, may puso at damdamin din itong nasasaktan na ‘di tulad ng makakapal ang mukha na todo pasa lang.

Kaya nga sa pagnanais ni Aquino na magtagumpay ang kanyang programa na masugpo ang kahirapan ay walang humpay na nakikipagtalakayan sa iba’t ibang bansa na magbibigay sa atin ng tulong pinansiyal, edukasyon, depensa  at pagpapalakas ng ekonomiya.

Sana lang maunawaan ng mga walang patid ang pag-batikos sa Pangulo na minana lang naman niya ang problema ng kahirapan sa mga naunang namuno ng bansa. Sa mga pinunong hindi inilahad ang “tuwid na daan”upang sa gayun ay matigil ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan na naging ugat ng kahirapan.

Bigyan natin ng panahon at pagkakataon si PNoy na ayusin ang daan tungo sa kaunlaran ng bayan. Kaya naman sa halip na batikusin ang kanyang mga ginagawa ay tumulong tayo sa ating munting paraan na paangatin ang ekonomiya ng bansa, sugpuin ang kahirapan at makiisa sa pamahalaan sa pagsasaayos ng katahimikan. Dahil ang bansang maayos at matahimik ay isang bansang patungo sa pag-unlad.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply