Political dynasties

MAHIRAP ang mas nakararami nating mamamayan kaya naglipana ang mga political dynasty sa ating bayan. At okay naman sa mamamayan sapagka’t sa mga political dynasty sila lumalapit sa oras ng kagipitan.

Totoo nga na maraming political dynasty na hayop magnakaw, pero sa isang taong mahirap, okay lang iyan maski hayop sila. Ang mahalaga ay kung nakatutulong ba sila sa mga mahihirap? Maipapasok ba sila sa trabaho ng mga warlord natin? At makapagbibigay ba sila ng libreng palibing?

Si mayor ay may anak na vice mayor o kaya ay congressman. Ang isa naman niyang anak ay kapitan sa barangay. Si congressman naman ay may asawang senador, o anak. O nanay na congressman din, o senador din.

At hindi riyan natatapos ang kanilang dynasty. Buong pamilya ay nasa gobyerno. Lahat sila ay mga political appointee. Appointed ng Presidente o rekomendado ng mga kaibigan ng isang Pangulo.

Sa ating Constitution, bawal ang political dynasty pero hindi totoo iyan. Ang sabi ng mga gumawa ng Constitution, na puro appointee ni President Cory Aquino, bahala na ang Congress upang gumawa ng batas tungkol sa political dynasty. Iyan ang dahilan kung bakit may political dynasties pa rin sa atin. Tamad kasi ang mga framer of the Constitution.

Ipinaubaya na lamang sa Congress ang paggawa ng batas tungkol dito. Natural, hindi gagawa ng batas laban sa political dynasty ang mga congressman at mga senador. Ano sila, baliw?

Matatapos lamang ang political dynasties sa ating bansa kapag ang mas nakararami sa atin ay may pera na upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan, katulad ng sariling pagkain, trabaho, edukasyon. Kailangan daw tayong maging matalino sa pagboto ng ating mga opisyal.

Eh bakit mo naman hindi iboboto ang isang magnanakaw? Ang isang gangster? Ang isang may private army? Kung hindi mo sila iboboto, kanino ka pa manghihingi ng limos? At sino ang magtatanggol sa iyo kapag lumaban ka sa kanilang private army?

Sa mga nakararangya, dapat nang buwagin ang mga political dynasty na ito. Maraming reklamo ang mga taong wala pa sa puwesto.

Bakit daw si Senador Edgardo Angara ay may anak na kandidato for senator. Bakit daw asawa niya ay tatakbong congresswoman? At bakit si Ed Angara ay tatakbong gobernador?

Bakit daw si JV Ejercito Estrada (yan na ngayon ang pangalan niya) ay tatakbong senador samantalang ang half brother niya ay senador din ngayon?

Itinanong pa ninyo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply