PPCRV: Ibobotong kandidato, kilalanin na

NGAYON pa lang ay dapat nang kilalanin ng mga botante ang mga aspiring candidates na napipisil nilang iboto para sa May 2013 national and local elections.

Ito ang payo ng church-based election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga botante kasunod na rin nang pagtatapos na ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) nitong Biyernes.

Pinayuhan pa ni PPCRV Chairperson Henrietta de Villa ang mga botante na mag-research hinggil sa katauhan, integridad at kakayahan ng mga kandidato upang matiyak na karapat-dapat sa puwesto ang kanilang iboboto.

“Pag boboto sila, magtalaga sila ng panahon para kilalanin ang mga kandidato, tapos na ang filing ng certificates of candidacy (COC), so malalaman na nila sinu-sino ang mga kandidato sa mga puwesto, at maari na silang mag-research, para makilala nila ang kandidato, ano ang track record, ano ang mga nagawa, nasangkot ba sa mga anomalya, kailangang pag-aksayahan talaga ng panahon,” bahagi ng panayam ng church-run Radio Veritas kay de Villa.

Partikular na tinukoy ni de Villa ang mga party-list groups na tatakbo sa halalan dahil kailangan aniyang mabatid ng mga botante kung ang kanilang iboboto ay tunay na kumakatawan sa mga mahihirap at marginalized group.

Ayon pa kay de Villa, hindi na dapat makiagaw pa ang mga kilalang tao para maging kinatawan ng party-list group lalo na yung mga itinuturing na hindi powerless.

“Kawawa naman yung mahihirap palagi nating inaagawan ng eksena kaya dapat ang piliin ay yung tunay na kinatawan ng marginalized sector,” dagdag ni De Villa.

Iginiit pa ni de Villa na hindi biro ang pagboto at minsan lang magkaroon ng karapatan na pantay-pantay ang lahat sa pamamagitan nang pagboto, “kaya kailangang suriing mabuti ang mga kandidato.”

Tiniyak naman ni de Villa na ngayon pa lamang ay aktibo na sila sa pagpapatupad ng “voters education” para sa 2013 midterm elections upang mapaalalahanan ang mga botante sa mga dapat gawin pagsapit ng halalan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply