PPUR inilista bilang Ramsar wetland site

OPISYAL nang inilista ng Ramsar Convention on Wetlands ang Puerto Princesa Underground River (PPUR) sa Palawan bilang wetland na may pandaigdigang kahalagahan.

Ibinalita ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon J. P. Paje na ang PPUR ang pinakahuling lugar na naisama sa naturang listahan.

Ang iba pang lugar sa Pilipinas na napabilang sa nasabing listahan ay ang Agusan Marsh Wildlife Sanctuary sa Mindanao; ang Naujan Lake National Park sa Oriental Mindoro; ang Olango Island Wildlife Sanctuary sa Cebu; at ang Tubbataha Reefs National Park na nasa Palawan din.

Sa kabuuan, may lawak na 154,234 ektarya (1,542.34 square kilometers) ang nabanggit na limang lugar.

Nilinaw naman ng kalihim na walang premyong salapi ang pagkakagawad sa PPUR bilang Ramsar site subalit posibleng magresulta sa mga tulong teknikal, pinansiyal at iba pa ang nasabing deklarasyon para mas mapabuti ang pangangasiwa sa lugar.

Tahanan din ng 800 halaman at 233 uri ng hindi pangkaraniwan at karaniwang uri ng hayop ang PPUR.

Nai-nominate ng DENR ang PPUR sa Ramsar Convention sa Switzerland noong Disyembre 2011. Matapos ito, iprinisinta at dinepensahan ang nominasyon sa Meeting of the Conference of Parties ng nasabing Convention na ginanap naman sa Romania noong Hulyo 2012.

Isang kasunduan sa pagitan ng 163 bansa ang Ramsar Convention na naglalayon na mapangalagaan at magamit ng tama ang wetlands sa buong mundo. Sa kasalukuyan ay may nakatala nang 2,062 wetlands na may pandaigidagang kahalagahan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply