Pres. Aquino: Peace deal sa CPP-NPA-NDF, malabo

INAMIN ni Pangulong Benigno Aquino III na malabong matulad at magkaroon ng kaparehong kasunduan ang pamahalaan sa komunistang grupong Communist Party of the Philippines, New People’s Army and the National Democratic Front (CPP/NPA/NDF) gaya ng napagtagumpayan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa naging mensahe ng Punong Ehekutibo sa local at foreign correspondents sa annual Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) forum sa Maynila, sinabi nito na bagama’t nagpatuloy ang usapan sa communist rebels ay hindi naman siya makapagbigay ng timeline sa naturang negosasyon.

“Well, the other day I was told that they are renewing dialogue with us. Am I as optimistic? I tend to be pessimistic in the sense of preparing for the worst and hoping for the best,” ani Aquino.

Samantala, sinabi ng Punong Ehekutibo na wala ni isa man sa partido na nagsara ng kanilang pintuan para sa posibleng rekonsilyasyon.

“There is some reason to believe that we are moving forward, in terms of the dialogue and the efforts that we are trying to achieve settlement also with the CPP-NPA-NDF,” ayon kay Pangulong Aquino.

Sa kabilang dako, nahihirapan ang pamahalaan na magbigay ng timeline sa pakikipag-negosasyon nito sa komunistang grupo dahil sensitibo, aniya, ang usapin sa mga ito.

“At this point in time, I cannot tell you that there is a fixed date already when we will announce anything. We’re moving forward where previously it had stagnated,” aniya pa rin.

Nagsimula ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa National Democratic Front, the political arm of the Communist Party of the Philippines nang maupo bilang Pangulo si dating Pangulong Corazon Aquino noong 986.

Simula noon ay parang palitaw na lumubo-lumitaw ang usapang pangkapayapaan sa mga sumunod na administrasyon.

ARMM bigo

Samantala, pinayuhan ni Pangulong Aquino si Nur Misuari na tanggapin nitong bigo ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) experiment.

Aniya, malinaw na pumalpak ang ARMM kung saan ay nagresulta  ito ng mas malalang problema.

Tugon ito ng Chief Executive sa harap ng pagbabanta ni Misuari na mauuwi lamang sa kaguluhan ang framework agreement na pinasok ng gobyerno at MILF.

Sinabi pa rin niya na walang dapat ipag-alala si Misuari dahil hindi naman maisantabi ang Moro National Liberation Front (MNLF).

Bukod sa mga MNLF factions, kasama rin sa Bangsamoro ang mga Lumads, mga Kristiyano at iba pang ethnic groups sa rehiyon

Kaugnay nito, ipinagmalaki ng Chief Executive ang magandang kompromiso sa pagitan ng MILF at gobyerno kung saan hindi na kasama sa nais isama sa Bangsamoro ang Palawan.

Sinabi ng Pangulong Aquino na napagtanto ng MILF na hindi kasama ang Palawan kung ite-trace ang pinanggalingan ng kanilang mga ninuno.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply