Print media naghihingalo

KAMAKAILAN ay nagpahayag ang magasing Newsweek na magsasara na sa susunod na taon at tanging ang online version na lamang nito ang mananatili sa merkado. Hindi malayo na sumunod na rin ang marami pang publication tulad halimbawa ng Time Magazine.

Ang Newsweek ay isa sa mga haligi ng tinatawag na print media sa daigdig. Ang pagkawala ng magasing ito sa susunod na taon ay nagbabadya ng katapusan ng isang era at ang pagsilang naman ng tinatawag na electronic media na siya naming tinatarget ng mga anti-demokratikong mambabatas sa pamamagitan ng Republic Act 10175 (Anti-Cybercrime Prevention Act).

Mas malawak ang abot at daglian ang epekto ng mga artikulong lumalabas sa cyberspace kumpara sa print media. Dahil sa katangiang ito kaya pinagpipilitan ng mga senador at congressman na busalan ang ganitong uri ng pamamahayag.

Nakalulungkot ang mga pangyayaring ito sapagkat ang inyong lingkod ay sinanay sa pamamahayag sa pamamagitan ng paraang palimbag (print medium) bagamat hindi naman ako nahirapan na umiktad patungo sa electronic media.

* * *

Ngayong mag-u-Undas ay inaasahan ko na mas dadami ang maepal na pulitiko. Ngayon pa nga lamang ay kabi-kabila na ang mga streamer na naglambitin sa mga kawad ng kuryente na nagpapaabot ng walang kwentang mga pagbati ng mga ito sa mga taong dapat ay pinaglilingkuran nila nang may kabuluhan.

Tiyak na lilitaw ang mga pangalan ng mga maeepal na politiko sa mga bottled water, pamaypay at tent sa mga sementeryo.

Ilan sa mga nakikita kong streamer dito sa Kyusee ay nakatitik ang mga pangalang Candy Medina, Doray Delarmente, Raquel Malangen at Vincent Belmonte.

Ngayon pa lamang ay dapat nang pag-isipan ng ating mga botante sa darating na halalan kung dapat pang ilista sa balota ang pangalan ng mga maeepal na pul-politiko.

* * *

Malabong maipasa ang anti-epal at dsynasty laws na itinataguyod ni Sen. Meriam Defensor Santiago. Walang susuporta sa kanyang panukala sapagkat halos lahat ng miyembro ng kongreso ay mga ma-epal.

* * *

Marami pa rin ang may duda sa tagumpay ng usapang pang-kapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front dahil sa rami ng katanungan na dapat sagutin ng magkabilang panig.

Halimbawa, ano ngayon ang magiging papel ng Moro National Liberation Front at ng Bangsa Moro Islamic Freedom Fighters sa Mindanao?

Paanong aayusin ang usaping legal o konstitusyunal tungkol sa pagkakaroon ng sariling pulisya at teritoryong pandagat ng MILF? Paanong didisarmahan ang MILF gayung ayaw nila nito?

Ito ay ilan lamang sa masalimuot na mga tanong na humihingi ng kasagutan. Malayo pa ang lakbayin para sa kapayapaan sa Mindanao.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *

Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply