RH bill hindi matutulad sa CCT

SINIGURO ni Albay Rep. Edcel Lagman, pangunahing may-akda sa Reproductive Health bill na hindi matutulad sa conditional cash transfer (CCT) program ang panukala na maraming mga kondisyon bago ito maipagkaloob sa nangangailangan.

Ipinaliwanag ni Lagman na sa bagong RH bill ay walang kondisyong nakalatag bago makatanggap ng benepisyo hindi tulad sa CCT na may hinihingi pang kondisyon bago mabigyan ng pinansyal na tulong mula sa pamahalaan.

Aniya, direktang ibibigay sa mga barangay health centers ang mga libreng kontraseptibo kasama na rito ang vasectomy at ligation.

Ang kailangan lamang, aniya, ay intindihin ang programa na nakapaloob sa extensive information campaign sa ilalim ng RH bill at mananatili pa rin ang dating nakasanayan ng sistema ng family planning.

Kung ayaw naman ng mag-asawa ng family planning ay hindi naman, aniya, sila pipilitin dahil sa kalayaan na nakapaloob din sa panukala.

Sa kabilang banda, kung maisabatas na ito, walang anumang institusyon katulad ng LGU na makakapigil dito lalo na kung boluntaryo naman ang pamilyang nais makatanggap ng libreng produkto ng family planning.

Kasabay nito, muling nanawagan si Lagman kay Pangulong Aquino na sertipikahang urgent ang RH bill kasabay ng kaniyang pagtiyak na hindi ito malasado matapos ang konsultasyon sa iba’t ibang sector.

“Matagal na naming hiniling sa Pangulo na i-certify yan. We can renew our call for certification. From the start naman ay sang-ayon ang pangulo sa bill na ito na ang tawag niya ay Responsibile Parenthood bill. Hindi totoong watered down bill ito. Kami ay pumayag sa lahat ng amendments na ito. Pero we did not surrender the central proposition,” pagtiyak pa ni Lagman.

Nilinaw din ni Lagman na wala namang inisyal na pondong inilaan agad kung maisabatas ang RH bill gaya ng mga naunang ulat na meron na umanong P3 bilyon hanggang P5 bilyong pondo para sa implementasyon ng panukala.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply