Sapatos na gawa sa Marikina patuloy na tinatangkilik

DAHIL sa patuloy na pagtaas ng benta ng mga magsasapatos na kaisa sa Sapatos Festival, patuloy din ang paghimok ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman na mas tangkilikin pa ang mura, matibay at de-kalidad na mga sapatos na gawa sa Marikina.

Ayon sa ulat ng Sapatos Festival Committee 2012, sa ika-apat na linggo (September 30 hanggang October 6) ng pagdiriwang ay kumita ang 41 magsasapatos na nakapuwesto sa Patio Del Zapateros ng dagdag na PhP1,327,840 at ang kabubukas pa lamang na Sapatos Central sa Marikina City Hall Quadrangle ay nakabenta ng PhP676,330.

Samantala ang Shoe Caravan na bumisita sa lungsod ng Valenzuela ay nagtala ng kita na PhP1,181,838; ang pagbisita sa Pasig ay kumita ng PhP621,566; at ang pagbisita sa lungsod ng Navotas ay kumita ng  PhP552,041.85. Dagdag pa rito ang PhP124,534 na kita sa bentahan nang dalhin ang mga sapatos na gawang-Marikina sa SM Marikina noong Sabado at Linggo. Sa pagtatapos ng ika-apat na linggo ng Sapatos Festival ay naitala ang kita na PhP4,484,149.85.

Kung pagsasama-samahin ang mga kinita noong unang linggo na PhP1,855,748.25; ikalawang linggo na   PhP3,710,282; at ikatlong linggo na PhP1,042,239, aabot sa PhP11,092,419.19 o 55% ng  kabuuang target na kita ng Sapatos Festival na PhP20M kita para sa taong ito.

Lubos namang ikinatuwa ni Mayor Del De Guzman ang patuloy na pag-akyat ng kita ng 41 magsasapatos na kalahok sa Sapatos Festival.

“Natutuwa tayo at lubos na nagpapasalamat sa patuloy na pagtangkilik sa sapatos ng Marikina na ating ibinebenta hindi lamang sa ating lungsod kung hindi maging sa mga LGUs na ating binibisita sa pamamagitan ng Shoe Caravan. Tiwala tayo  na patuloy pang tataas ang kita ng ating mga magsasapatos sa mga darating  pang linggo. Malaking tulong ito lalo na sa mga  nagbabawi ng puhunan dahil sa pagsalanta ng Habagat noong Agosto sa Marikina,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Sa nalalabi pang 12 linggo ng Sapatos Festival, inaasahan ang pagbisita ng Shoe Caravan sa mga lungsod ng Malabon sa ika-8  hanggang ika-9 ng Oktubre; lungsod ng Quezon sa ika-10 hanggang ika-11  ng Oktubre; at sa Lucky Chinatown Mall sa Binondo, Maynila sa ika-12  hanggang ika-14 ng Oktubre. Makararating din ng Shoe Caravan ang Caloocan, Taguig, Pateros, Muntinlupa, San Juan, Maynila, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Makati, at Mandaluyong.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply