Senatoriables na galing sa political dynasty, pinagbibitiw ng VACC

NANANAWAGAN ang Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa mga kandidato sa pagka-senador na kabilang sa political dynasty na bawiin ang kanilang kandidatura.

Partikular na tinukoy ni VACC Founding Chairman Dante Jimenez ang mga kandidato sa pagka-senador na may mga kaanak na nakapwesto sa mga matataas na posisyon sa gobyerno.

Iyan umano ay para bigyan ng pagkakataon ang iba pang kandidato na may pantay o higit pang kwalipikasyon na makapaglingkod naman sa pamahalaan.

Naniniwala si Jimenez na iyon ay isa ring pagpapakita ng halimbawa ng good governance at equal access to public service alinsunod na rin sa itinatakda ng Konstitusyon.

Malaking bagay umano kung isasakripisyo ng mga kandidatong kabilang sa political dynasty ang kanilang personal at pampamilyang interes dahil sa ganitong paraan ay maaagapan ang posibleng pag-usbong ng mga panibagong private army.

Una nang kinuwestiyon ng VACC sa Korte Suprema ang diumano’y kawalan ng aksyon ng Kongreso laban sa pamamayagpag ng mga political dynasties sa bansa.

Kabilang din sa mga petitioner sina Dating Vice President Teofisto Guingona, Atty. Leonard De Vera, Eduardo Bringas, Vicente Velasquez at Retired AFP General Raymundo Jarque.

Sa kanilang petisyon, pinuna ng mga petitioner ang diumano’y pagiging manhid ng mga traditional politician sa sangay ng Ehekutibo at Lehislatibo kasama na ang mga nasa lokal na pamahalaan.

Kaugnay nito, hiniling nila sa Korte Suprema na atasan ang Kongreso para magpasa ng batas na tutukoy sa kahulugan at magbabawal sa pamamayagpag ng mga political dynasty.

Ginawa ng mga petitioner ang kahilingan dahil umano sa pagmamatigas ng Kongreso na gampanan ang kanilang tungkulin gayong malinaw umanong nakasaad sa Article 2 Section 6 ng Saligang Batas na ipinagbabawal ng estado ang pag-usbong ng political dynasty.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply