Si Lim ba o si Erap?

KUMBAGA sa pelikula, patok ang labanan nina Mayor Fred Lim at dating Pangulong Joseph Estrada sa pagka-alkalde ng Maynila.

Dahil ngayon pa lamang ay tema na ng huntahan sa media at maging sa umpukan ang pagtutuos ang dalawang dambuhalang politiko.

Kung sino kina Dirty Harry at Asiong Salonga ang tatanghaling punong-lungsod ng Maynila, panahon lamang ang makapagsasabi.

Sa popularidad, ‘di nagkakalayo ang dalawa. Si Lim ay nakilala sa larangan ng serbisyo-publiko, katulad din ni Erap.

Unang nakilala bilang pulis na naging heneral si Lim, samantalang si Erap ay naging tanyag dahil sa pinilakang-tabing.

Parehong  humawak  ng  mga matataas at sensitibong mga opisina ng pamahalaan  ng maraming taon na nagtagal  pa ng ilang dekada.

Walang itulak-kabigin, kumbaga kung sino kina Lim at Erap ang dapat maging Manila mayor dahil sa karanasan sa pagseserbisyo.

Si Lim ay naging kalihim ng Department of Interior ang Local Government at naging director ng National Bureau of Investigation.

Bago ang dalawang matataas na posisyon na yan, si Lim ay natalaga sa maraming posisyon sa kapulisan, isa rito ang NCRPO.

Si Lim ay naging at hanggang ngayon ay mayor pa rin ng Maynila at naging senador, tulad din ni Erap na naging senador at alkalde ng San Juan.

Sa tindi ng popularidad, naging pangalawang Pangulo at nanalo pang Pangulo noong 1998, nguni’t ‘di nagtagal dahil siya’y napatalsik sa tinawag na People Power ll.

Ang pagkakaiba lang nila – si Lim ay taal na taga-Maynila at nag-silbi ng matagal sa lungsod samantalang si Erap ay taal na taga-San Juan.

Naging  Manila resident lamang ito sa bisa ng pagbili ng bahay sa Santa Mesa para maisakatuparan ang balak na pagtakbo blang Manila Mayor sa darating na election.

Kung puwede nga lang eh, wala ng pilian at mayor na lang silang dalawa ng Maynila, pero ‘di yan ang tadhana ng batas.

Kailangan ay isa lang ang maihalal, ayon sa batas. Kung sino kina Lim at Erap, ‘di naman siguro tanga ang mga Manilenyo sa pagpili ng kanilang alkalde.

Ang sinasabi lang kasi natin, dapat nilang iboto ang karapat-dapat na maging alkalde ng Maynila sa darating na Mayo 2013 election.

Ang pangamba lang ng ilang mayor na nakausap natin, kaibigang Itchie kabayan, baka raw kapag natalo sa Maynila, baka naman sa ibang lungsod bumili ng bahay si Erap at doon ay kakandidato uling mayor.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply