Si Tambungan at pambababoy ng Glenn Marine Defense

NAGTALUNAN sa tuwa ang mga pulis-Olongapo nitong Biyernes sa pagkawala ni City Director PSSupt. Christopher Tambungan sa pwesto matapos atasang mag-”indefinite leave” dahil sa kinahaharap na imbestigasyon sa pagkunsinti umano sa naglipang illegal activities ng kanyang mga pulis.

Ito ang Totoo: itinalaga na ni Region III RD PCSupt. Edgardo Ladao bilang O-I-C ng Olongapo Police si PSSupt. Noli Galsim Taliño, na patuloy pa ring hahawakan ang pagiging hepe ng operations ng buong PNP sa rehiyon. Salamat po, Gen. Ladao, sir!

Maganda ang record nitong si Taliño na tubong Pangasinan kaya maraming pulis Olongapo ang natutuwa dahil naniniwala sila sa  kakayahan nitong linisin ang kanilang namamahong hanay na may mga sangkot sa kidnap for random, drugs, hulidap at iba pang krimen.

Dahil indefinite leave lang, pwede pa rin namang makabalik pa si Tambungan kung magiging moro-moro lang ang imbestigasyon dahil patuloy na pinoproteksiyonan ito ni Mayor Bong Gordon na nagbubulag-bulagan sa mga iligal na  aktibidad umano ni Tambungan.

Kung ‘di ba naman labs na labs ni Bong Gordon si Tambungan, nasibak na bilang hepe ng CIDG sa Olongapo-Zambales noong 2005 dahil sa umano’y pambabakal sa mga nightblub na nagpapalabas ng mga babaeng hubo’t hubad, ibinalik pa niya ito bilang hepe pa mismo ng Olongapo City PNP.

PSSupt. Taliño, sir, sana huwag pong mabigo ang mga taga-Olongapo na umaasang maibalik ang kaayusan sa lungsod at muling maiaangat ang moral ng mga pulis na gusto talagang maglingkod sa bayan at hindi sa sari-saring iligal na aktibidad na ang utos ay galing pa sa nakatataas.

***

Mukhang malakas sa Maritime Authority, Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya itong Glenn Defense Marine Asia na hinihinalang nagkakalat ng ebak, langis at iba pang hazardous waste sa karagatan ng Subic Bay.

Sa kabila ng pagkakabisto na walang papeles ang barko nitong MV Glenn Guardian na panipsip ng “sewage” at “bilge water” sa mga barkong duma-raong sa Subic Bay, patuloy pa rin itong nag-ooperate.

Pinaghihinalaan din ang MV Glenn Guardian na sa halip na sa layong hindi bababa sa 25 nautical miles sa pinakamalapit na pampang magtapon ng libo-libong toneladang duming hinakot mula sa mga naglalakihang barko na dumaong sa Subic, sa may pantalan na rin mismo pinatatagas nito ang mga ebak at “waste water.”

Ito ang Totoo: labis nang bumagsak ang kalidad ng tubig ng Subic Bay, ayon sa mga pagsusuri, at kung hindi maaabatan ang pinagmumulan ng polusyon, tuluyan itong mamamatay tulad ng Manila Bay na hindi na angkop paliguan at ang mga lamang dagat, kung may buhay, ay hindi na rin ligtas kainin ng tao.

Hinihintay pa rin natin ang pag-aksiyon ng mga kinauukulan, pati na rin ng mga “environmentalist” na karamihan, mukhang Coal Power Plant na plano pa lang, ang pinag-iinitan at dito sa direktang naninira na ngayon sa kalikasan ay hindi makitaan ng interes man lang. Ito Ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply