Simpleng kaso, 4 na taong natulog sa piskalya

DUMULOG sa Lily’s Files ang 27-anyos na tricycle driver na buhat pa sa lalawigan ng Aurora, Isabela para humingi ng kaukulang tulong kaugnay sa kanyang kasong isinampa noong 2008 na hanggang ngayon ay natutulog pa rin sa piskalya.

Itong si Engilbert B. Cayes, isang tricycle driver ng San Juan, Aurora, Isabela ay sinaksak sa kaliwang tagiliran ng isang nagngangalang Joseph Ramirez.

Kasong frustrated homicide ang isinampang kaso laban sa suspek na si Joseph noong taong 2008 at ito ay napunta umano kay Fiscal Manuguelod, ng Branch 23 ng RTC-Roxas, Isabela.

Ang labis na ipinagtataka nitong si Engilbert ay kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring resolution ang kanyang isinampang kaso gayung may 4 na taon na ito at nasa piskalya pa rin.

Tuwing nagpupunta umano itong si Engilbert sa tanggapan ni Fiscal Manuguelod para i-follow-up at itanong kung may resolution na ang kaso ay parating sinasagot ng staff ni Fiscal Manuguelod na lalabas na, malapit na, maghintay ka na lang.

Ang kawawang si Engilbert ay uuwing luhaan at maghihintay na naman ng kung ilang buwan at umaasa na sana ay lumabas na ang resolution ng piskalya sa kanyang kaso dahil ang suspek na si Joseph ay pagala-gala sa kanilang lugar.

Taong 2012, makaraan ang apat na taon ay parang nagsawa na sa kahihintay itong si Engilbert sa paglabas ng resolution ng kanyang isinampang kaso kaya naisipan nitong dumulog sa Lily’s Files Column ng pahayagang REMATE.

Ngayon lang yata ako nakarinig na ang isang napakasimpleng kaso ay natulog ng apat na taon sa tanggapan ng piskal gayung nagpa-follow up naman pala ang complainant.

Sana po ay mabigyan naman ng pansin ni DOJ Secretary Leila de Lima, ang kasong ito ni Engilbert, dahil apat na taon na nga namang natulog sa piskalya ang kasong ito pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin lumalabas ang resolution.

At para naman sa mga piskal, sana naman ay huwag n’yo namang patulugin ng ganito kahaba ang mga kasong hawak ninyo, kawawa naman ang mga maliliit na tulad nitong si Engilbert.

DOJ Sec. De Lima, umaasa po itong si Engilbert na mabibigyan n’yo ng pansin ang kanyang kaso, dahil natatakot siya sa suspek na si Joseph na gumagala sa kanilang lugar.

oOo

Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 0915-5683000 at 09087230036 o kaya ay mag email lang sa … lpr_2012@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply