Sino ang may kagagawan ng kaguluhan sa PDEA?

ILANG linggo ring laman ng balita ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa mga pahayagan, telebisyon, radio at iba’t-ibang social networking sites.

Iba’t-iba ang naging diskarte ng mga player o mga kasali sa moro-moro sa PDEA dahil may kanya-kanyang papel na ginagampanan ang mga ito.

Merong pro-Jose Gutierrez na dating PDEA boss at meron namang maka-Gadapan, ang assistant ng dating pinuno ng PDEA, na unang tinanggal ng Malakanyang.

Nagkalat rin ang mga operator na kapansin-pansin din na may layuning matanggal si Gutierrez gamit ang hinaing ni Gadapan.

Maging si Gadapan rin ay hindi tumigil sa kanyang pagsisiwalat o pag-iyak sa umanoý unfair na pagkakatanggal niya sa pwesto at iyan ang dapat halukayin ngayon ng National Bureau of Investigation dahil posibleng sa tagal na nito sa naturang ahensiya ay may kakaiba na itong pagkilos.

Malalim ang naging sugat ng PDEA sa ngayon dahil sa hindi lamang ang main players sa naturang ahensiya ang tinamaan dahil ang buong tanggapan ang nawalan ng kredibilidad.

Imbestigasyong walang sisinuhin ang dapat isagawa sa nangyaring ito sa PDEA dahil posibleng “druglords” na ang may pakana ng kaguluhan sa naturang ahensiya.

Posibleng may kanya-kanya na ring bata sa PDEA ang mga sindikato ng droga kaya’t marapat lamang na ito ang halukayin o halungkatin ng NBI, Senado at Kamara dahil kung mayroon na ngang tao sa loob ang mga druglord ay wala nang matinong mangyayari sa kampanya ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot.

Wala ring magtatagal na PDEA boss sa pwesto dahil kapag hindi tagasunod ng druglords ang malalagay rito ay tiyak na kakanain at ipatatanggal din ito ng sindikato.

Hindi rin matatapos ang intrigahan sa PDEA dahil posibleng may iba nang nagpapatakbo rito maliban kay Usec. Arturo Cacdac Jr, na katatalaga pa lamang ng Palasyo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply