Sotto: Libel i-decriminalize na lang

MAGHAHAIN si Senador Vicente “Tito” Sotto III ng resolusyon para alisin na ang Libel Law.

Ito ay kung patuloy umano na umaalma ang mga mamamayan hinggil sa kontrobersyal na Cybercrime Law.

Sa kabila nito, iginiit ni  Sotto na hindi labag sa freedom of expression ang Cybercrime Law.

Ani Sotto, kung patuloy na umaalma ang mga mamamayan ukol dito ay maghahain siya ng resolusyon para alisin na ang Libel Law, cyberspace, print at broadcast media para wala nang reklamo.

Aminado ang senador na hindi ito madali dahil kung gusto talaga ng media na may freedom of expression sila dapat ay pag-aralan itong mabuti sa Senado.

Magpa-file umano si Sotto sa Lunes ng bill o resolution upang alisin ang libel para pwedeng magmura kahit sino.

Ayon pa kay Sotto, maaaring gamitin ang freedom of expression ng hindi nagiging bastos o naninira sa kapwa.

Kailangan lang aniyang maging accountable at responsable ang mga netizen sa pagggamit ng social networking site.

Aniya, ang pagpapanatili ng moralidad ang isa sa naging layunin ng Cybercrime Law kaya gusto nating bantayan ang cyberspace.

Matatandaang itinanggi ni Sotto na siya ang nagsingit ang probisyong libel sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act 10175.

Sinabi niyang bago siya batikusin sa mga social networking site kaugnay ng umano’y plagiarism sa mga testimonya niya kontra-Reproductive Health (RH) Bill ay matagal nang naipasa sa Senado ang Cybercrime Law kung saan nakapaloob ang lahat ng krimen ng Revised Penal Code.

Gayunman, inamin ng senador na siya ang nagbigay ng naturang suhestyon na kinatigan naman ng iba pang mga senador.

Sakaling maipasa ang decriminalization ng libel sa resolusyon ni Sotto,  pagmumultahin na lamang ang lalabag sa Cybercrime Law ngunit posible pa ring makulong kung walang pambayad.

Walo na ang mga inihaing petisyon kontra sa Cybercrime Prevention Act ngunit patuloy pa rin ang implementasyon nito simula kahapon, October 3.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply