Suspek sa pagtutulak ng droga, pinalaya ng piskal

TAGUIG CITY – Nagpahayag ng pagdududa ang himpilan ng Station Anti-Ilegal Drugs Special Operations Task Group (SAID-SOTG) sa ipinalabas na released order ng City Prosecutor’s Office sa Hall of Justice ng naturang lungsod, ito ay matapos na palayain umano ng prosekusyon ang nahuling suspect ng mga awtoridad na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot noong Lunes ng gabi sa mataong lugar ng Levi Mariano Street, Barangay Ususan.

Sa nilagdaang “disposition” ni City Prosecutor Archimedes V. Manabat na may inquested no. NPS XV-16INQ 12-00482, nakasaad ang “to be released” na tumutukoy sa nahuling suspect na kinilala ng mga undercover agents na si Marvelous Marvin B. Pamilyar, alyas Arvin, 30, nakatira sa 2 Agudo Street, Brgy. Barrangka, Mandaluyong City.

Si Pamilyar ayon sa mga arresting officers na sina SPO2 Ernesto Sanchez at PO3 Elric Valle ay kanilang nahuli sa buy bust operations kung saan ay nasamsaman din ito ng dalawang maliit na plastic sachets na naglalaman ng 0.50 gramo ng pinaghihinalaang shabu na kinumpirma namang methamphetamine hydrochloride ng SPD Crime Laboratory pagkaraang ito ay sumailalim sa pagsusuri.

Sinampahan ng mga awtoridad ang suspect ng kasong paglabag sa Section 5 and Section 11 ng Art. 2 R.A 9165 sa tanggapan ng City Prosecutor’s Office noong Lunes ng umaga, subalit makalipas lamang ang ilang oras, nakapagtataka umanong nagpalabas ito ng “released” resolution.

Dahil sa nangyaring desisyon ng prosekusyon, nagpahayag ng pagdududa ang himpilan ng SAID-SOTG kung saan ay sinabi ni PSInsp. Jerry O. Amindalan na ang ginawang pagtutulak at pagtataglay ng ipinagbabawal na gamot ng suspect ay maituturing anilang heinous crime at hindi maaaring pakawalan na hindi dumadaan sa mahigpit na proseso ng batas.

Iginiit ng hepe ng SAID-SOTG na ang inquested suspect ay kailangang makulong muna aniya ng labing-limang araw habang isinasagawa ng prosekusyon ang preliminary investigation sa akusado at sakaling ma-dismiss aniya ang usapin, ito ay awtomatikong sasailalim sa pagsusuri ng Department of Justice hanggang sa makarating sa pinal na pagsusuri ng Malacañang.

“Kanino ba nakapanig ang prosekusyon, sa nagpapatupad ba ng batas o doon sa mga lumalabag sa batas?” Usisa pa ni PSInsp. Amindalan.

Nakatakdang umapela ang SAID-SOTG kaugnay ng naging desisyon ng nasabing prosekusyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply