Suwerte ang Agusan del Norte kay Banayo

MALAKING kawalan si Administrator Lito Banayo sa National Food Authority (NFA) matapos siyang magbitiw sa puwesto simula Setyembre 30 ngayong taon.

Tatakbo kasi si Banayo bilang Kinatawan sa 1st District ng Agusan del Norte na sumasakop sa Butuan City at bayan ng Las Nieves sa darating na halalan sa Mayo 2013.

Kung sakali, ang kawalan ng NFA ay magiging kapakinabangan naman ng kanyang distrito dahil siguradong malaki ang maitutulong niya para maisulong at mapaunlad ang kanilang lalawigan.

Hindi kasi matatawaran ang napakagandang rekord ni Banayo sa serbisyo publiko.

Nang hirangin siya ni dating Pangulong Corazon C. Aquino bilang Postmaster-General ng Bureau of Posts ay napaangat niya ang kita nito mula P540 milyon tungo sa P987 milyon kada taon.

Dahil sa ginawa niyang iyon ay nagpagkalooban ang ahensiya ng karapatan para gawing government owned and controlled corporation na tinatawag ngayong Philippine Postal Corporation (Philpost).

Hindi nagtagal ay hinirang naman si Banayo bilang General Manager ng Philippine Tourism Authority (PTA) ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Sa PTA ay pinangunahan niya ang implementasyon ng dalawang malaking  tourism infrastructure projects na nagbibigay ng malinis na tubig at pagtatayo ng water sewerage treatment facility sa isla ng Boracay.

Dahil doon ay lalo pang naging tanyag at tumaas pa ang tourist arrivals sa isla na kinikilala ngayon na isa sa pinakapaboritong destinasyon ng mga turista sa buong mundo. Siya rin ang nagpagawa ng Manila Boardwalk na nasa ibabaw ng Manila Oceanarium na pangunahing pasyalan ngayon sa Luneta.

Ginawa ni Banayo ang mga proyekto habang ginagampanan din niya ang trabaho bilang Presidential Adviser on Political Affairs.

Nang italaga siya ni Presidente Benigno S. Aquino III bilang NFA chief ay inabutan niya ang ahensiya na nalulunod sa pagkakautang na umaabot sa P 178 bilyon.

Kaya ang ginawa ni Banayo ay nagbago siya ng sistema ng operasyon kung kaya’t pagkatapos ng dalawang taon lamang ay bumaba sa P143 bilyon ang pagkakautang ng ahensiya.

Subalit hangad niya na hanggat maaari sa pamamagitan ng lehislatura ay tuluyan nang mabura ang nasabing pagkakautang, na resulta ng polisiya ng pamahalaan na bumili ng mataas mula sa mga magsasaka at ibenta naman sa mga mamamayan sa mababang halaga.

Dahil dito ay ipinasya ni Banayo na para mabawasan naman ang utang ng NFA ay nagpa-bid siya ng mga import permit sa mga pribadong importer.

Kung kaya’t mula sa kinitang P110 milyon na service fees noong 2010 ay kumita ang ahensiya ng karagdagang P1.6 bilyon at P2.6 bilyon naman nitong 2012.

Tagumpay rin niyang naibaba ang import volume ng bigas mula sa 2.45 million metric tons noong 2010 ay bumaba ito sa 860,000 tonelada noong 2011, at 500,000 tonelada na lamang ngayong taon.

Dahil dito ay mas malaki ang kinita ng mga lokal na magsasaka maliban pa sa napababa rin niya ang halaga ng NFA imports mula sa US 630 dolyar kada tonelada noong 2010 sa 480 at 470 nitong 2011 at 2012.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply