Taga-Manila ka?

MATAGAL na ring wala kaming kontak ng kaibigan kong si Mina So. Swerte ako at nang magkita kami ulit ay niyaya niya akong manood ng show/concert na IyMNL nila Bimbo Cerudo, The Company at Jon Santos.

Gaya ng inaasahan sa mga palabas na nandun si Jon, maganda at entertaining. Enjoy talaga.

Ang IYMNL ay nasentro sa usapin na may mga banyaga raw na mas kilala ang mga Pinoy na “from Manila” kaysa mga “Filipino” from the Philippines. “Oh you’re from Manila” kaysa “so you’re from the Philippines.”

Mas kilala raw ang Manila bilang siyudad kaysa Pilipinas na bansa. Matagal na ang usaping ito kaya nga noong Konsehal pa ako, sinubok ko na maiwasto ng konti ito.

Isinulong ko na makilala ang ibang lugar, lalo na ang bayan kong QC. Sinikap ko na sumikat ang QC sa national level. Nagsulong ako ng mga proyekto para sa QC tulad ng Sports Tourism, Historical Tourism sa QC at iba pa.

Iminungkahi ko ang mga advertisement tungkol sa QC na mailagay sa mga airport, mga seaport, mga tourism bus, terminal at iba pa.

Pero kung ikukumpara naman kasi sa Manila ay lubhang bata pa ang QC na 73 years old pa lang bi-lang isang siyudad, samantalang ang Manila ay centuries old na.

At ngayon naman, pag sinabi rin kasing Manila ay buong Metro Manila na ang sakop.

Isa sa mahalagang mensahe ng palabas na IYMNL ay ang tunay na personalidad ng Lungsod. Kapag sinabing Manila, lalo na sa paningin ng mga dayuhan at turista, ang ibig sabihin ay ang kabuuan – Quiapo, Cubao, Baclaran, Malate, The Fort, Ayala, Alabang. Pati na rin Intramuros, Las Pinas, Muntinlupa, Valenzuela, etc.

Bilang sining, naging matapat sa mensahe ang IyMNL. Dahil hindi lang magaganda kundi mga kapintasan tungkol sa kabuuan ng Manila ang binigyang-pansin at inihayag ng konsyerto.

Hindi nag-ilusyon na sabihing pwede tayong maikumpara sa siyudad ng Paris, Moscow o London. Na sa katotohanan ay alam natin ang kakulangan ng Manila o ng anopamang siyudad na ating kinalakihan, pero sa puso ng bawat isang Pilipino, wala nang tutumbas pa sa pagmamahal natin sa sarili nating bayan.

Sa galing ng mga performer ng IyMNL, nagawa nilang pagsabayin ang paglalahad ng kagandahan at kapintasan ng Manila na hindi nawawala ang pagmamahal sa bayan.

Tunay na sa puso ng Pinoy, hindi lang ganda kundi kapintasan, hindi lang bango kundi pati baho ang tanggap
na larawan ng bayan. Ganyan magmahal ang Filipino.

Mabuhay ang IyMNL!  Isang palabas na tunay na Pilipino. Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply