Tagle bilang kardinal ikinagalak ng marami

IKINATUWA ng mga lider ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang pagkakatalaga ni Pope Benedict XVI kay Manila Archbishop Luis Antonio Tagle bilang bagong cardinal kasama ng 5 pang arsobispo mula sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Batanes Bishop Camilo Gregorio, nakatutuwang kinilala ng Santo Papa ang kontribusyon ng Pilipinas sa pamamagitan ni Archbishop Tagle.

Naniniwala din ang obispo na nararapat lamang na maging pangalawang cardinal ng Pilipinas si Archbishop Tagle dahil sa taglay nitong talino at sapat na karanasan.

Inihayag naman ni CBCP-Episcopal Commission on Mass Media chairman Manila Auxiliary Bishop Bernardino Cortez, na ang pagmamahal ni Tagle sa sambayanan, sa Simbahan at talino nito ang na-recognize ng Santo Papa kaya ito nahirang na Cardinal.

Maging si Basilan Bishop Martin Jumoad ay nagalak din sa pagkakatalaga kay Archbishop Tagle bilang Cardinal at representative ng Filipinas sa College of Cardinals.

Aniya, ang pagkakahirang kay Tagle ay patunay na dapat pa nating payabungin ang ating pananampalataya sa Panginoon.

Iginiit naman ni PPCRV chairperson Ambassador Henrietta de Villa na dapat ipagpasalamat ng mga Katolikong Filipino sa Panginoon ang pagkakahirang ng Vatican kay Tagle bilang bagong cardinal ng Pilipinas.

Ayon kay De Villa, labis na pagpapala ang ibinigay ng Diyos sa mga Pinoy dahil pagkatapos ng canonization si San Pedro Calungsod ay hinirang namang kardinal si Tagle.

Naniniwala din si De Villa na ang mga pangyayaring ito ay magdudulot ng magandang epekto sa mga Katoliko lalo na sa kanilang pananampalataya sa Panginoon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply