Tagumpay ang anibersaryo ng NPC at si Joe Burgos, Jr.

MATAGUMPAY na nairaos ang ika-60 taong anibersaryo ng National Press Club kamakalawa na ginanap sa mismong NPC Building sa Intramuros, Manila.

Maraming dumalo sa mga senior citizen o lifetime member ng NPC na pangunahing pinag-alayan ng okasyon.

Dahil sa ika-60 taon ng NPC ang okasyon, nararapat lang na binigyan ang mga senior citizen ng mga kaukulang pagkilala.

Hindi ko na isa-isahin ang ngalan ng ating mga buhay na ninuno na ilabas sa ating kolum baka may makaligtaan tayo.

PASASALAMAT

Sapat nang pasalamatan natin sila sa patuloy nilang paglingap sa NPC na kanilang pinundar, itinaguyod sa hirap at ginhawa, sa bagyo, ulan at tag-araw.

Kahit sa pa sa mga panahon ng kadiliman gaya noong martial law at sa mga panahon na gustong gipitin ng pamahalaan at mga naghaharing-uri ang lahat ng mediamen sa pamamagitan ng mga batas.

Kasama, mga Bro, ang mga batas na nilalabanan natin ngayon, ang Cybercrime Prevention Act of 2012 o cyber law.

Nilalabanan natin ang cyber law dahil nilalaman nito ang libelo na pinatawan ng parusang higit pa sa parusang iginagawad ng lumang batas dito, ang revised penal code.

Muli, sasabihin natin sa ating mga lifetime member o senior citizen, kung wala kayo, wala rin kami.

PAGKAKAISA SA 60

Sa nakaraang ilang taon, nabawasan ang partisipasyon ng ating mga lifetime member sa lahat ng okasyon at ginagawa ng NPC.

Sa nakaraang apat na termino kasi, halos mga kabataan ang nahahalal na pinuno ng NPC.

Kaya naman, itinaguyod natin ang pagkakaisa ng mga kabataan at katandaan sa NPC sa taong ito bilang pagpapasigla muli ng espiritu ng samahan.

Mahalaga ang kontribusyon ng ating mga ninuno, buhay man at patay, sa buhay at kinabukasan ng NPC.

Pinanday na sila ng karanasan at puno ang mga ito ng wisdom na kung mapahalagahan nang lubos ng mga kabataan ay lalong titibay ang NPC sa katatayuan nito.

HINDI PAGKAKAUNAWAAN

Siyempre pa, may mga hindi pagkakaunawaan ngunit tinatanggap natin ang mga ito na bahagi ng buhay organisasyon.

Para sa mga hindi nagkakasundo nang personal, sapat nang magkaisa ang mga ito sa mga prinsipyo at ipinaglalaban, kabilang na ang pananatili ng lahat na mamamayahag na maging malaya sa kanilang propesyon at malaya mula sa kuko ng pamahalaan at iba pang puwersa na gusto tayong talian sa ilong na parang kalabaw.

Kapag tinalian kasi ang ilong ng mga mamamahayag, wala na itong magawa kundi ang sumunod na lamang kahit saan siya dalhin ng mga makapangyarihan.

Isa pa, umaasa tayo na lahat ng mga hidwaan ay may hangganan basta’t may mga pag-uusap sa pagitan ng isa’t isa.

Naniniwala akong may higit na mga usapin na dahilan para sa pagkakaisa ng lahat at hindi paghiwa-hiwalay.

Pinakamasahol na usapin ang tuloy-tuloy na pamamaslang sa ating hanay.

Isa rin ang tuloy-tuloy nating laban para sa decriminalization ng libelo sa revised penal code at cyber law.

At ang kahirapan ng higit na nakararaming mediamen ay dapat ding pagtuunan ng pansin.

Walang puwang sa mga usaping ito ang mga hidwaan  sa anomang mga dahilan.

JOE BURGOS, JR

Inilagay natin ang venerable newsman na si Joe Burgos sa Hall of Fame ng NPC.

Hindi makalilimutan ng lahat ng mamamahayag ang kontribusyon nito para sa kalayaan sa pamamahayag at naipakita niya ito sa kasagsagam ng kadiliman o martial law.

Habang hinawakan sa leeg ng martial law government ang lahat ng media, noon, itinatag nito ang We Forum na naging daluyan ng mga malalayang kaisipan at balita.

Pagkatapos nito, itinatag din niya ang pahayagang Malaya.

Tumagos sa buo niyang pamilya ang kanyang sakripisyo bilang mamamahayag.

Habang nag-iimprenta ng diyaryo sina Joe Burgos at mga editor at reporter niya sa mismong compound ng NPC, kasama sa mga nakararanas ng paghihirap ang kanyang pamilya.

Pati nga ang isa niyang anak ay itinuturing ngayon na isang disapericido.

Palihim ang pag-iimprenta at palihim din ang pagkuha ng dealer upang panakaw na maibenta sa merkado.

ESPIRITU NG MEDIAMAN

Isa si Joe Burgos, Jr. sa dapat na tularan ng ating mga mamamahayag.

Buhay at kamatayan ang ipinusta ni Burgos noon at hindi niya inalintana ang kanyang kaligtasan kung mahuli siya, mabilanggo at mamatay bilang newsman.

Isang halimbawa rin ang ipinakita ng pamilya nito.

Walang nang-iwan, pinawi ang takot at kaba sa harap ng mga pagpatay, pambibilanggo at pagpapahira sa mga kritiko ng martial law noon.

POSIBLENG MAULIT

Posibleng maulit ang madilim na kasaysayan ng bansa sa mga darating na araw. At kung maganap ito, ano-ano ang ating mga gagawin.

Ano-ano ang mga gagawin ng NPC? Ano-ano ang mga gagawin ng bawat isa sa ating hanay?

Hahayaan ba natin na maghari ang takot at kasunod nito ang pagpapatali natin sa ilong sa mga makapangyarihan na pumapatay, nambibilanggo at nagpapahirap sa atin?

Basta na lang ba isusuko natin ang ating mga pahayagan, radyo, telebisyon at internet?

Panatilihin natin ang pagkakaisa upang magkaroon tayo ng lakas na makibaka.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply