Tawag nang tawag

MALAKING problema ng ating mga kababayan sa ibayong dagat ang walang humpay na pagtawag sa telepono ng kanilang mga kamag-anak mula sa Pilipinas.

Mas madalas na problema ito ng ating mga kababaihan na kinukulit ng kanilang mga asawa. Reklamo nila, palibhasa’y naka-unlimited service… kaya unlimited din ang text at tawag na ginagawa sa kanila.

Ito rin ang dahilan kung bakit naiirita ang kanilang mga employer sa kanila. Sa kabila ng kanilang mabuting pag-uugali at kasipagan, napapalitan ito ng pagkainis ng kanilang mga amo. Dahil nga naman sa gitna ng trabaho, nagluluto, naglalaba, nag-aalaga ng bata, natitiyempuhang tumatawag ang kanilang mga asawa.

Naaabala nga naman ang trabaho ng ating OFW.  At kung nag-away pa ang mag-asawa, tiyak sira na ang pokus ni kabayan sa kanyang ginagawa. Kaya ito rin ang nagiging dahilan na tatanggalin na lang sa trabaho ang kanilang mga asawa.

Minsan, isang asawang lalaki mula sa Ilocos ang nagtungo sa Radyo Inquirer 990 AM upang pakiusapan akong tawagan ang kanyang asawa at hilingin ‘anya kay misis na umuwi na lamang ito.

Nais niyang mag-sama-sama na lamang silang pamilya dahil napapabayaan na nito ang kanilang mga anak.

Bilang pagbibigay, tinawagan ko si misis sa Hong Kong. Galit na galit naman ito sa kanyang asawa. Nahihiya pa itong idinamay pa niya ako sa kahibangan ng mister.

Doon ko lamang nalaman na selos na selos pala ang mister sa among lalaki at kung ano-ano ang ibinibintang nito kay misis. Gayong sabi ng ating OFW, isang matandang lalaki na edad 79 na ang among pinagseselosan ng mister.

Matapos ang dalawang buwan, nagbalik ang kabayan natin at nangungulit na naman sa Bantay OCW na pauwiin na ang asawa dahil iba na ngayon ang sumbong niya sa akin. Ka-relasyon na ‘anya ng asawa ang among lalaki sa HK.

Muli pinagbigyan ko siya, tinawagan ko ang ating OFW at sinabi nitong patay na ang among lalaki na pinagseselosan ng asawa. Pinagsawaan at kinapaguran na ‘anya niya ang walang katuwirang mga pagseselos na ito ni mister.

Nakiusap pa siyang ako na ang makiusap kay mister at kumbinsihin itong huwag na siyang aasa pa na uuwi siya sa Ilocos.

Mananatili na ‘anya siya sa pagtatrabaho bilang OFW hanggang sa kanyang pagtanda roon.

Ngunit hindi naman ‘anya siya magpapabaya sa mga obligasyon sa kanyang mga anak at patuloy pa rin siyang magpapadala ng pinansiyal na suporta sa mga ito.

Malungkot man na sa paghihiwalay nauwi ang dulo ng pangingibang bayan na ito ng ating OFW, ngunit nagsimula ang lahat sa walang tigil nitong katatawag sa asawa sa abroad at walang basehang pagseselos.

*  *  *

Bantay kaso

BIKTIMA ng pagmamaltrato at hindi pagsunod sa kontrata sa Malaysia

Nakaranas ng labis na pagtatrabaho, pananakit mula sa employer at hindi tamang pagpapasahod ang kababayan nating household service worker sa Malaysia na si Marife De Leon. Bukod pa riyan, hindi rin siya nakakain nang sapat kaya naman nais na lamang niyang makauwi ng bansa.

Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa Philippine Overseas Employment Administration hinggil sa sitwasyon ng ating kabayan.

Nagpadala ng labinlimang (15) araw na palugit ang POEA sa ahensya nitong Diamond Rose Human Resources & Services Corporation upang mapauwi sa lalong madaling panahon si Marife.

Ipinagbigay-alam din ng Bantay OCW sa tanggapan ni Labor Attaché Alicia Santos ng Philippine Overseas Labor Office- Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA-Malaysia) ang nararanasang pangmamaltrato ni Marife.

Hinihintay na lamang natin ang tugon ng POLO- OWWA sa Malaysia sa kasong ito.
Babantayan ng Bantay OCW ang reklamong ito hanggang sa makauwi ang ating kabayang OFW na si Marife.

* * *

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International. BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply