Telcos na palpak ang serbisyo, panagutin

NANAWAGAN si Zambales Rep. Mitos Magsaysay sa National Telecommunications Commission na papanagutin ang mga telecommunication companies (telcos) na hindi nagbibigay ng mabuting serbisyo sa kanilang mga subscriber sa anumang kadahilanan.

“Dapat ay pagpaliwanagin at kung kailangan ay panagutin ng NTC ang mga telecom companies na ito kung bigo silang ibigay ang mabisang serbisyo sa kanilang mga kliyente kahit pa sabihing ito ay dahil sa upgrade lalo pa’t sobra na ito sa panahong kanilang ipinangako,” aniya.

“Trabaho ng mga telco na ito na bigyan ng tamang serbisyo ang kanilang mga kliyente at ang NTC naman ay may tungkulin na siguruhin na hindi pumapalya ang mga telco sa kanilang responsibilidad sa kanilang mga kliyente na dumaranas ng dropped calls, lost signal at pangit na connection,” dagdag pa niya.

“Sumisingil sila para sa mga serbisyo sa kanilang mga kliyente kaya’t responsibilidad nila (telco) na tumbasan iyon dahil hindi naman pinupulot ang perang ipinambibili ng load at ibinabayad sa bill.”

Para naman sa mga subscriber at kliyente ng mga telco, nagpayo si Magsaysay na magreport ang mga nakakaranas ng pangit na serbisyo sa NTC upang magkaroon ng basehan ang opisina upang magpataw ng parusa sa mga kumpanyang hindi nagbibigay ng maayos na serbisyo.

“Karapatan niyo bilang mga kliyente ang magkaroon ng tamang serbisyo kaya’t hindi kayo dapat matakot na magsabi,” sabi ng mambabatas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply