Toxic na kandila, ipinagbibili sa Binondo

PINAG-IINGAT ng isang toxic watchdog ang publiko sa pagbili ng mga imported na kandila na may lead na matagal nang ban sa Estados Unidos at iba pang bansa.

Ayon sa grupong EcoWaste Coalition, natuklasan nilang ang naturang imported candles na may lead wick ay ipinagbibili sa Chinatown, tulad ng ordinaryong kandila dahil sa nalalapit na paggunita sa Undas.

Anang grupo, nagsagawa sila ng test buy sa mga kandila ilang araw bago ang Undas at dito nila nadiskubre na ang mga naturang kandila, na taong 2003 pa nang ipagbawal ang paggawa at pagbebenta sa US, ay maaaring mabili sa Binondo, Maynila tulad ng ordinaryong kandila.

Nabatid na bukod sa US ay banned din ang naturang kandila sa Australia, Canada, Denmark at iba pang lugar, upang maiiwas ang mga bata mula sa health hazards na dala ng mga naturang kandila na nilalagyan ng manipis na lead wire sa pabilo nito upang manatili itong nakatayo.

Ayon kay Thony Dizon, coordinator ng Project Protect ng EcoWaste Coalition, labis nilang ikinagulat ang kanilang nadiskubre dahil napaka-mapanganib ng naturang kandila sa kalusugan.

“We were really shocked to discover that some imported candles made of gel or paraffin wax had lead-cored wicks that produce health-damaging lead vapor and dust during burning,” ani Dizon.

Iginiit naman ng grupo na ang pagsusunog ng kandila na may lead wick ay makakapinsala sa kapaligiran, gayundin sa kalusugan.

Nabatid na pito sa 12 kandila na binili ng grupo noong Oktubre 26 at nagkakahalaga ng P45 hanggang P150 mula sa mga specialty shops sa Benavidez, Masangkay at Ongpin Streets sa Binondo, ay natuklasang may lead wicks at may 34,800 parts per million (ppm) hanggang 62,900 ppm, o average na 43,943 ppm.

Ang anim naman sa pitong lead-tainted items ay natuklasan ring may taglay na iba pang heavy metals tulad ng arsenic, cadmium at mercury na mataas ang antas.

Ang mga naturang kandila ay sinuri ng grupo gamit ang portable X-Ray Fluorescence (XRF) spectrometer.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply