‘Trick or treat’ sa Undas, itigil na – Obispo

IGINIIT ng isang arsobispo na dapat nang itigil ng mga Pinoy ang sekular na paraan ng pagdiriwang ng Undas, gayundin ang paniniwala sa mga multo at katatakutan dahil ito’y wala naman umano sa doktrina ng Simbahang Katoliko.

Sinabi ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles na ang nakaugaliang ‘trick or treat’, mga jack-o’-lanterns, Halloween at costume party, ay pinagkakakitaan lamang at mga kulturang mula sa Western countries.

Nilinaw naman ni Arguelles na ang Undas ay may mas malalim na kahulugan at hindi lamang tungkol sa mga katatakutan.

Paliwanag niya, ang All Souls’ Day (Nov. 2) ay panahon nang pagdarasal para sa mga kaluluwa ng mga mahal sa buhay na pumanaw habang ang All Saints’ Day (Nov. 1) ay pagkilala at pag-alala naman sa mga santo.

Iginiit rin ng arsobispo na tanging mga malls at mga negosyante lamang ang nakikinabang sa maling nakagawiang sekularismo at komersiyalismo ng Undas.

Binigyang-diin din ni Arguelles na Catholic teaching at wala sa doktrina ng Simbahang Katoliko ang mga multo at pagsasagawa ng mga katatakutan.

Ikinalulungkot ng arsobispo na nawawala at nababalewala na ang tunay na diwa ng Undas dahil sa maling paniniwala.

Sinegundahan naman ito ni Radio Veritas President at Caritas Manila executive director Fr. Anton Pascual.

Ayon kay Pascual, dapat na pairalin ng mga Pinoy ang isang Undas na maka-Diyos at hindi makamundo.

“Nabubulag na tayo ng mga makamundong tradisyon gaya ng mga Halloween party tuwing Undas ng mga Western countries,” aniya.

Iginiit nito na hindi dapat bigyang puwang ang sekularismong paghahanda sa Undas dahil ‘devil’ ang kapalit nito na gustong pumasok sa ating buhay.

Pinayuhan pa ni Pascual ang mga mananampalatayang Katoliko na magnilay sa buhay ng mga Santo tulad ng buhay ni San Pedro Calungsod ngayong Undas, na siyang dapat na ginagawa sa halip na mag-Halloween party na nakakaakit lamang ng masamang espiritu sa buhay at sa mga tahanan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply