TRO sa Cybercrime Law aprub sa NPC

PINAPURIHAN ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang Korte Suprema sa inilabas nitong ‘temporary restraining order’ (TRO) na pansamantalang pumigil sa pamahalaan na ipatupad ang RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012.”

“Ang pakikibaka para maipatigil ang pagpapatupad ng cybercrime law ay bahagi ng mas malawak na pakikibaka ng mga mamamahayag na tuluyang ma-decriminalize ang libel at alisin ang mga mapanupil na probisyon ng RA 10175,” pahayag ni NPC president Benny Antiporda.

Pinansin din nito na ang paglabas ng TRO ay naganap matapos ang malaking protesta ng mga mamamahayag at manggagawa sa media sa harapan ng SC na pinamunuan ng NPC noong Lunes.

Isa ang NPC sa may 15 grupo at indibidwal na naghain ng petisyon sa SC upang pigilin ang pagpaptupad ng RA 10175.

“Sa unang tingin ay maganda ang layunin ng batas subalit kung idadaan sa maingat na pagsusuri, makikitang nilalabag nito ang mga batayang karapatan ng mamamayan na malayang ipahayag ang kanilang sarili, mabigyan ng patas na pagtingin sa batas at ‘right to privacy’ na nakasaad sa ating Saligang Batas,” paliwanag pa nito.

Comelec pinuri sa absentee voting sa miyembro ng media

Sa kabilang dako, pinuri din ni Antiporda ang Commisson on Elections (Comelec) sa desisyon ng poll body na payagan ang mga kasapi ng media na makinabang sa ‘absentee voting’ sa darating na may 2013 elections at sa mga susunod pang halalan sa bansa.

“Ang desisyong ito ng Comelec ay magtitiyak na hindi mapagkakaitan ng kanilang karapatang bumoto at pumili ng kanilang lider ang mga kasapi ng media kahit na nasa ibang lugar sila upang mag-cover ng mga
pangyayari tuwing may halalan.”

Aniya pa, nagagalak din ang NPC sa tinuran ni Comelec chair, Sixto Brillantes na ang IRR (implementing rules and regulation) sa media absentee voting ay mailalalabas bago matapos ang taon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply