TRO vs Cybercrime Law, ipinagpaliban ng SC

TULOY ang pagpapatupad bukas ng kontrobersyal na Cybercrime law.

Ito ay matapos ipagpaliban ng Supreme Court En Banc  ang pagtalakay sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) kontra implementasyon ng Republic Act Number 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ito ang napagkasunduan ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa pamumuno ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ngayong araw.

Napag-alaman na limang mga mahistrado ang hindi nakadalo kahapon sa en banc session ng Supreme Court.

Si Associate Justices Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Mariano Del Castillo ay nasa abroad para sa official business habang ang dalawang mga justices naman ay absent.

Una rito, nagsagawa ng kilos protesta ang grupo ng Philippine Internet Freedom Alliance (PIFA), National Press Club, Bayan,  Bawal mag-Shoot Dito,  Karapatan,  Computer Professional Union, KMP, KMU at mga cam pus journalists  sa pamumuno ng CEGP sa harapan ng SC upang hilingin ang pagpapalabas ng TRO kontra sa kontrobersiyal na batas.

Nasa pitong mga petisyon na rin ang nakabinbin sa SC para pigilin ang nakatakdang implementasyon ng nasabing batas bukas, Oktubre 3, dahil nasasagasaan umano nito ang freedom of speech, equal protection of the law, right to privacy, illegal searches and seizure at double jeopardy.

Kontra sa Cybercrime law, dumagsa sa SC

Samantala, kasabay ng pagbuhos ng ulan, bumuhos din sa harap ng Korte Suprema ang ibat ibang grupo upang magsagawa ng kilos protesta kontra Cybercrime Law na nakatakdang ipatupad bukas, Oktubre 3.

Iginiit ng Philippine Internet Freedom Alliance (PIFA), magpalabas na ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) bago pa man ang nakatakdang implementasyon nito.

Kaugnay nito, sinabayan ng grupo ang en banc session ng mga mahistrado upang ipakita ang mariing pagtutol sa Republic Act Number 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Napag-alaman na bitbit ng mga raliyesta sa kontrobersyal na batas ang itim na placards, itim na electrical tapes na nakalagay sa kanilang bibig bilang pagpakita ng silent protest na tumagal naman ng hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Sa ngayon umaabot na sa pitong petisyon ang nakahain sa SC para magpalabas ng TRO bago ang implentasyon ng nasabing batas.

Magugunitang nilagdaan ito ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong Setyembre 12 at sinundan ng paglathala sa mga pahayagan.

Nakapaloob sa batas ang pagbibigay ng proteksyon ng gobyerno sa mga mamamayan laban sa anumang krimen na maaring mangyari sa pamamagitan ng internet.
 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply