Tuloy ang reporma sa BoC

TODO ang suporta ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa kasalukuyang administrasyon kung saan ay mas pinili nitong ipagpatuloy ang reporma sa ahensiyang itinakda sa kanya ni Pangulong Aquino kaysa unahin ang ambisyon nitong pampulitika.

Kalakip nito ang takot ng mga smuggler dahil tiyak na wala nang pagkakataon pa upang maisakatuparan nila ang pagpapapasok ng mga iligal na kargamento sa bansa.

Sa ilalim kasi ng liderato ni Biazon, nahuli ang ilang ilegal na kargamento na tinangkang ipuslit sa bansa na mga pawang nagtataglay ng malalaking halaga at kung maipapasok sa lokal na pamilihan,  tiyak na magdudulot ng ‘di magandang epekto sa mga lokal na supplier ng bansa.

Naitala rin ngayong taon ang mas mataas na koleksyon ng BoC bawat buwan sa ilang port sa bansa kumpara sa koleksyong nakalap sa ilalim ng pamumuno ng nakalipas na administrasyon sa Customs.

Kaugnay naman ng ugnayan ng Customs sa ating mga hog raiser, binuksan ni Commissioner kamakailan para sa mga ito ang pasilidad sa BoC kung saan pinoproseso ang pagre-release ng mga imported na karne, sila mismo ang naging saksi kung gaano kahigpit ang Customs sa implementasyon ng kampanya nito laban sa smuggling.

Bukod sa rason na smuggling, naghigpit din ang ahensiya sa releasing ng imported na karne sa bansa upang masiguro nito ang seguridad ng mga consumer na tatangkilik sa mga inangkat na produkto.

Hindi mapapantayan ng kahit na sino ang dedikasyon na iniaalay ni Biazon sa ahensiyang pinamumunuan nito na siya namang suportado ni PNoy.

Kasama ni Biazon sina TESDA chief Joel Villanueva at  Quezon representative Lorenzo “Erin” Tañada sa pagbibigay daan upang mapasama ang ilang nagnanais maglingkod bilang senador sa ilalim ng senatorial slate ng Liberal Party.

Nagpapatunay lamang ito na nakikiisa si Biazon at ang dalawa pa nitong kapwa miyembro sa Liberal na isakatuparan ang iisang layunin na nagbuklod sa kanila bilang isang partido – ang pagpapatupad ng “tuwid na daan”.

Maaari nga naman nilang ipatupad ang “tuwid na daan” kahit pa wala sila sa Senado sa pamamagitan ng tamang pamamahala sa ahensiya o distrito na kanilang pinamumunuan.

Ngayong  nasa puwesto pa rin si Com. Biazon, abangan pa natin ang ilang operasyon ng Customs na magpapatunay na walang sasantuhin ang ahensiya nito upang sugpuin ang smuggling maging sa agrikultura, iligal na droga, money laundering at sa kahit na anong porma pa nito ng kailigalan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply