Walang weather-weather kay Senador Enrile

MAGALING ba talaga ang isang Juan Ponce Enrile o likas na mabait lang talaga sa kanya ang kasaysayan?

Mantakin n’yo, 88-anyos na ang mamang galing sa probinsiya ng Cagayan na ngayon ay pinuno pa ng Senado ay namamayagpag pa rin ito sa pulitika ng bansa.

Kahit noong impeachment trial ni dating ChiefJustice Renato Corona ay talaga namang nagpasiklab ang Senate President dahil alam niya ang kanyang pinagsasabi at ginagawa noong kasagsagan ng paglilitis.

Magmula sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay namamayagpag na si Enrile hanggang sa panahon ng mga dating Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at ngayon sa panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa maikling salita ay magaling makisama o maglaro si Enrile dahil nakuha niyang makasabay sa agos ng pulitika kahit sa kaninong panahon.

Kagaya nga nang ibinunyag ni Senador Antonio Trillanes na nakipag-sabwatan daw umano si Enrile kay Gloria Macapagal-Arroyo ay mukhang may katotohanan dahil hindi man lamang natinag si Enrile, na isa sa mga utak ng batas militar sa kanyang mga kasalanan sa bayan.

Wala tayong nabalitaang demandang inihain kay Manong Johnny maliban sa panahon ni Cory, na nadismis din agad, Dito kahanga-hanga ang mambabatas dahil nakuha niyang makalangoy sa agos ng pantheon.

Kahit kailanman ay hindi rin natanong kung saan nanggaling ang kayamanan ni Enrile gayung ang iba ay talaga namang inimbestigahan ng mga kritiko magmula ulo hanggang talampakan.

Mabait nga ba ang kasaysayan kay Manong Johnny o talagang magaling lang si Enrile na makilaro sa lahat?

Mga tanong na mahirap sagutin dahil mayroon pang 4 na taon si Enrile sa pulitika dahil sa 2016 pa magtatapos ang kanyang termino sa edad na 92 anyos.

Tiyak na isasabay na rin ng mamamayan ang paghuhusga kay Enrile  sa pagkandidato ng kanyang anak na si Jackie, na isa sa mga pambato ng UNA, na kung saan si Enrile pa rin ang isa sa pinuno at bida.

Abangan!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply