10 yunit ng Genesis bus sinuspinde ng LTFRB

PINATAWAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-day preventive suspension ang 10 yunit ng Genesis Transport Service makaraang masangkot sa aksidente sa North Luzon Expressway (NLEX) nitong Undas.

Sa ulat sa radyo, base sa ipinalabas na suspension order ng LTFRB kabilang sa mga sinuspinde ay ang bus (plakang UVA-439) na mismong nasangkot sa insidente at siyam na iba pa na kasama nito sa iisang prangkisa.

Binigyan din ng LTFRB ang bus operator ng 72 oras para ipaliwanag ang kanilang panig sa insidente na ikinasugat ng pito katao.

Bukod dito, binigyan din ng LTFRB ng limang araw ang pamunuan ng Genesis para i-surrender ang yellow plate ng nasabing 10 yunit.

Nais din ng LTFRB na isalang ang lahat ng driver at konduktor ng mga sinuspindeng bus sa road safety seminar at drug test.

Kaugnay nito, ang pagdinig sa kaso ay itinakda sa Nobyembre 8 ng umaga.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply