2 ex-PDEA execs, umalma sa isyu ng pagbenta ng drug chemicals

UMALMA ang dalawang dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa akusasyon na nagbenta sila ng kumpiskadong drug chemicals at sinabing hindi man lamang sila inimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) para ibigay ang kanilang panig.

Kapwa pinasinungalingan nina retired generals Dionisio Santiago at Jose Gutierrez Jr. na sangkot sila sa pagbenta ng kumpiskadong kemikal na ginagamit sa paggawa ng iligal na droga.

Hiniling ng NBI sa Department of Justice (DOJ) na magkasa ng isang preliminary investigation kay Santiago at ilan pang indibidwal base sa reklamo na isinampa ni PDEA special prosecutor at assistant chief of PDEA’s chemical audit and monitoring unit na si Romeo Enriquez, at si investigator Dolorsino Paner Jr. ng PDEA-compliance service.

Ayon kay Paner, nadiskubre niya noong Hulyo 23, 2008 na ibinenta ang 170 drums ng hydrochloric acid na nasa kustodiya ng PDEA sa Green Planet Management Inc. sa halagang P341,500.

Noon namang Agosto 15, 2008, nabuko rin niyang ibinenta rin sa halagang P157,850 ang 41 drums ng acetone atethanol sa parehong kumpanya.

Wala rin aniyang ibinigay na resibo sa nasabing transaksyon at walang nakuhang benepisyo ang gobyerno rito.
Pagtatanggol naman ni Santiago na alegasyon ay isang panaginip lamang at sinabing handa niyang harapin ang anumang imbestigasyon hinggil dito.

Inirekomenda rin na imbestigahan si Gutierrez, ang pumalit kay Santiago, dahil sa kapabayaan at sa pagpalyang umaksyon sa nasabing isyu noong kanyang termino.

Pinuna din ni Gutierrez ang kasong isinampa ng NBI laban sa kanya na obstruction of justice at negligence kaugnay sa extortion complaint laban sa mga PDEA agents.

Inirekomenda ng NBI para iprosekusyon sina PDEA intelligence and investigation chief Zoilo Lachica at intelligence officers Marvin Mendoza, Jonathan Morales, Gregorio Camua, Virgilio Castillo II, Mark Anthony Omones, Laila Abad, Martin Francia, Alvin Morales, Dave James Curioso, Rodolfo Caisip Jr., Antonio Romero Jr. at Normal de la Cruz Daez.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply