2 pang pugante sa Quezon, balik bilangguan

crime7

LUCENA CITY – Dalawa pang pugante ang muling ibinalik sa bilanguan matapos mahuli ng mga tumutugis na pulis kahapong hapon at kaninang madaling araw.

Ayon kay Quezon police director Senior Supt. Valeriano de Leon, ang pitong pugante ay muling nagkasama-sama sa loob ng municipal jail ng maaresto sina Santos Penascosas at Melchor Buegis.

Sinabi ni De Leon na si Buegis na may kasong murder ay naaresto sa Brgy. San Rafael malapit sa island town ng Burdeos dakong ika-1:00 na hapon samantalang si Penascosas na nahaharap sa kasong rape ay nalambat naman sa Bgy. Tamulaya sa Polilio Island town dakong ika-3:00 na umaga.

Ang kasamahan ng dalawa na sina  Mark Anthony Capayas, 18,  Leoven Bo, 24, Arnold John Montano, 24, at  Arwel Grispor, 33, lahat na nahaharap sa kasong robbery na nahuli noong pang Linggo sa Bgy. Languyin ng pinagsanib na elemento ng Provincial Intelligence Branch at Polilio police force sa pangunguna ni Supt. Ramon Balauag at Insp. Eric Veluz.

Ang isa sa kanilang kasamahang tumakas na si Merlito Bo, na nahaharap naman sa kasong illegal possession ng deadly weapon, ay kusang sumuko kay Mayor Jojie Verzosa noong Sabado sa takot na mapatay ng mga tumutugis na pulis.

Ang pitong bilanggo ay nakuhang makatakas matapos na lagariin ang steel grills ng kanilang selda, na hindi namalayan ng duty jail guard na si PO2 Randy Barias.

Ayon naman sa pinuno ng Provincial Investigation Branch na si Supt. Ranser Evasco ay inatasan ni De Leon si Veluz na ang pitong bilanggo ay dalhin na sa Quezon Provincial Jail upang maiwasan ang kahintulad na insidente.

Sinabi pa ni Evasco na nagbigay din ng ganitong kautusan si De Leon sa iba pang municipal at city jail sa lalawigan na may mga bilanggong may mabibigat na kasalanan.

“Ang kautusang ito ay matagal ng ipinaabot ng ating provincial director bago pa man mangyari ang Polilio jail break”, wika pa ni Evasco.

Sa katanungan naman sa magiging kapalaran ni Veluz dahil sa pangyayari, sinabi si De Leon sa phone interview na maaaring ang hepe ng pulis ng bayang ito ay ma-relieved sa puwesto habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa posibleng administrative liability.

Sinabi pa ni De Leon na ang pagkakaaresto sa mga pugante ay hindi magiging dahilan para kay Veluz upang hindi ituloy ang imbestigasyon at masampahan ng kasong administratibo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply