2 timbog sa pekeng pera sa Taguig City

TAGUIG CITY – Dalawang hinihinalang miyembro ng kilabot na sindikatong sangkot sa pagpapalaganap ng counterfeit money ang maagap na binitbit ng mga elemento ng Sector 3 PS-6 habang nagpapatupad ang mga ito ng routine checkpoint noong Martes ng gabi sa kahabaan ng Balagtas Street, Barangay Lower Bicutan ng naturang lungsod.

Sa ulat na nakarating sa pamunuan ni Taguig Chief-of-Police PSSupt. Tomas Colet Apolinario Jr., sinabi ng mga arresting officers ng PS-6 na dakong 12:47 ng gabi sa nabanggit na checkpoint area ay namataan nila ang kahina-hinalang kilos ng dalawang suspek na nakasakay sa isang Black Sym motorcycle na may pekeng plaka.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad walang maipakitang legal na dokumento ng behikulo ang mga suspek na nakilalang sina Bakar A. Arsad, 23, walang hanap-buhay, at Nazer Sarikol, 25, driver, kapwa nakatira sa Tawi-tawi St., Brgy. Maharlika Village sa Taguig.

Naalerto din ang mga pulis ng makita sa dalawang suspek ang ilang piraso ng P200 fake bills kaya agad nila itong dinampot at dinala sa kanilang headquarters.

Ayon sa batas na ipinatutupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nakasaad sa Section 50 nang R. A. 7653 o laws on counterfeit money, na ang lalabag ay may kaparusahan na limang taong pagkakakulong subalit hindi ito lalabis sa sampung taon maliban na lamang kung lalapatan ng mas mabigat na kaparusahan ang nagkasala alinsunod na rin sa batas na itinakda sa Revised Penal Code.

Sinampahan ng kasong paglabag ng R.A. 7653 ang ikinulong na mga suspek. Pinapayuhan din ang mga mamamayan na maging maingat sa pagtanggap ng pera, maaari kayong dumulog sa pinakamalapit na himpilan ng kapulisan para sa agarang aksiyon laban sa krimen.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply