3 fire truck ipinagkaloob ni Recom sa Caloocan

BILANG tulong ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa kampanya ng mga ito na mabawasan ang nagaganap na sunog sa buong bansa ay nagbigay ang alkalde ang tatlong fire truck na magagamit ng mga bumbero sa pagsugpo ng apoy.

Kasabay nito, nagpasalamat naman ang pamunuan ng BFP kay Echiverri dahil sa pagbibigay nito ng tatlong fire truck at ayon pa sa mga ito, malaki ang maitutulong nito sa kanilang pagsugpo ng apoy sa tuwing may magaganap na sunog.

“Isa pong karangalan ang makatulong tayo sa ating BFP dahil sa pamamagitan nito ay maipaalala rin natin sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng pag-iingat upang hindi natin maranasan ang masunugan”, saad ni Echiverri

Pinaalalahanan naman ni Echiverri ang mga residente ng lungsod na maging maingat sa loob ng kanilang pamamahay upang maiwasan na magkaroon ng sunog na maaaring magresulta ng pagkasunog ng kanilang mga ari-arian.

Ayon kay Echiverri, ngayong Undas ay maraming mga residente ng lungsod ang aalis sa kanilang mga bahay upang magtungo sa libingan ng kanilang mga yumaong kamag-anak kaya’t dapat lamang na tanggalin ng mga ito ang saksak ng mga de-kuryenteng gamit bago magpunta sa sementeryo upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog.

Sinabi pa nito, hindi magsasawa ang kanyang administrasyon sa pagbibigay ng tulong sa pamunuan ng BFP dahil na rin sa malaking naitutulong nito sa mga residente na handang magbuwis ng buhay para lamang magampanan ang kanilang tungkulin.

Napag-alaman pa na bukod sa mga fire truck ay inaalam na rin ng administrasyon ni Echiverri kung ano pa ang kanyang maitutulong sa pamunuan ng BFP upang higit pang sipagin ang mga ito sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply