Opisyal ng bangko, ina at maid kinatay sa Maynila

3-dead

(UPDATED) WALA nang buhay at tadtad ng saksak sa katawan nang matagpuan ang isang opisyal ng bangko, ina nito at kasambahay sa loob ng kanilang tahanan sa Sta. Cruz, Maynila kaninang umaga.

Kinilala ni P/Ins. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District (MPD) ang mga biktima na sina Teresa Tan, 60; anak nitong si Evelyn Tan, 40, vice president for loan department ng Banco de Oro; at ang kanilang kasambahay na si Kristina Bartolay, 22, pawang residente ng 2017 Yakal Street, Sta. Cruz, Maynila.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Nestor Delizalde, barangay tanod sa katabing Barangay na Brgy. 225 sa pamumuno ni Brgy. Chairman Ardie Dacanay.

Itinuturong suspek si Delizalde dahil nakita umano ito na duguang papaalis mula sa bahay ng mga biktima at sumakay ng tricycle.

Natagpuan rin umano sa crime scene ang duguang T-shirt at sapatos ni Delizalde.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre ang karumal-dumal na sinapit ng mga biktima nang sunduin ng isang Francis Lalin ang biktimang si Evelyn upang ihatid sa airport kaya agad siyang nagreport sa pulisya.

Nabatid na patungo sana ngayong araw si Evelyn sa Beijing, China para sa isang official business trip ngunit ilang beses na umano siyang tinatawagan at tini-text ni Lalin ay hindi ito sumasagot, sanhi upang magduda na ang huli na may masamang nangyari sa biktima.

Naniniwala naman ang pulisya na nakapasok sa bahay ang suspek sa pamamagitan nang pagdaan sa likurang pintuan kung saan matatagpuan ang isang creek.

Tinitignang anggulo ngayon ng pulisya ang pagnanakaw sa krimen dahil nawawala umano ang bag ni Evelyn.

Sa ulat, bago tumakas ang suspek ay namudmod pa umano ito ng tig-P100 sa kanyang mga nakakasalubong at sinasabing huwag na lang maingay dahil nadisgrasya nito ang mga biktima.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply