3 traffic enforcer sinibak ng MMDA

MMDA-logo

SINIBAK sa trabaho ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tatloang traffic enforcer dahil sa hinalang pangongotong
makaraang mahuling nakatambay pa sa kalsada kahit na hindi pa nila duty.

Kinilala ang mga sinibak na enforcer na sina traffic constable Andy Abdul at Paul Michael Romero, kapwa nakatalaga sa Sidewalk Clearing Operations Group at si traffic constable Bryan Bergania, nakatalaga naman sa Edsa Sector 4.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na natagpuan nilang nasa kalsada at nanghuhuli ng mga motorista ang mga enforcer kahit na
naka-off duty na ang mga ito.

Nabatid na nasa pagitan ng alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 pa ng hapon ang duty nina Abdul at Romero habang matagal nang AWOL (absent without leave) si Bergania. Ngunit dakong alas-2:58 kahapon ng madaling araw, naispatan ng mga kapwa traffic enforcer ang tatlo na nanghuhuli ng mga motorista sa may Edsa Magallanes.

Agad na itinawag sa MMDA Metrobase na nagkumpirma na hindi naka-duty ang tatlo. Dito na dinakip ang tatlong enforcer na kumpleto pa umano sa uniporme at dinala sa headquarters.

Sinabi pa ni Tolentino na hinihinala na ang tatlo ang inirereklamo ng maraming motorista na dumaraan sa Magallanes na nanghuhuli lalo na ng mga biyahero at nangongotong tuwing dis-oras ng madaling araw. Bukod sa pagkakasibak, sasampahan rin ang tatlo ng kaukulang kasong kriminal.

Una nang nagbabala si Tolentino sa mga motorista sa posibilidad na pagkalat ng mga pekeng traffic enforcer o kaya naman ay mga lehitimo ngunit ang lakad ay mangotong ngayong papalapit ang Kapaskuhan. Ito’y makaraan na mismong si Tolentino ang makahuli sa isang dati nilang enforcer na pumara sa kanya noong nakaraang Linggo sa may Buendia flyover.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply