50 teacher sa Bataan tumanggap ng laptop

BALANGA, Bataan – Tumanggap ng mga bagong laptop ang 50 guro mula sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa programang TEaCHNOLOGY, sinagot ng pamahalaang lungsod ang P5,000 sa bawat laptop na ibinigay habang magbabayad na lamang ng P1,000 bawat buwan ang mga tumanggap na guro sa loob ng isang taon.

Sinabi ni Balanga City Mayor Jose Enrique Garcia III na ang mga guro ang pangunahing sundalo sa pagkakaloob ng mahusay na edukasyon at dapat silang bigyan ng angkop na sandata.

Pinayuhan din niya ang daan-daang mga guro na dumalo sa programa na sa kabila ng lahat ng problemang dulot ng trabaho tulad ng pagkahuli ng suweldo, hindi sila dapat makadama ng awa sa sarili at marapat harapin ang pagsubok ng positibo.

Sinabi ni Leticia Almazan, 57, guro sa Bataan National High School, na hindi siya mahihirapan sa pagbabayad ng laptop dahil sa buwanang hulog.

Matuturuan niya umano ang kanyang mga estudyante sa “makabagong paraan” gamit ang mga visual presentation.

Ayon naman kay Konsehal Val Joseph Fernandez, committee chair ng Education and Culture, maliban sa mga presentation, madadalian din sa paggawa ng mga grade at report ang mga guro na makatitipid ng oras.

Nagpahayag si Garcia na magbibigay ang pamahalaang panlalawigan at lungsod ng P300,000 sa Department of Education-Balanga City Division.

Nagsimula ang programang TEaCHNOLOGY noong 2008 at nakapagbigay na ng mahigit 300 laptop sa mga guro ng pampublikong paaralan taon-taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply