8 kotong cop sa Pasay sinibak na

SINIBAK sa pwesto ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona ang hepe ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Pasay  police kabilang na ang pito niyang mga tauhan matapos mahuli sa video ang pangongotong ng mga pulis sa loob mismo ng presinto.

Ipinasibak sa pwesto sina Insp. Angel Aguas, hepe ng PCP-2 at mga tauhang sina SPO1 Francisco Aganan, PO3 Dennis Cabrera, PO1 Jeru Hernandez, PO1 Romeo Dimaculangan, PO1 Sunny Mercado, PO1 Reagan Recasio at PO1 Ryan Guzman.

Sinampahan ng kasong illegal arrest. physical injury at threat ang pitong nabanggit na pulis na pawang mga tauhan ni Insp. Aguas matapos ireklamo ng isang Apolinario Cababan, 33, driver at residente ng Bagontaas, Purok 7, Valencia, Bukidnon na kanilang dinakip noon pang Oktubre 10 sa Estrella St. nang walang malinaw na dahilan.

Nilinaw naman ni Estipona na tinanggal si Aguas sa puwesto na mahigit isang linggo pa lamang nauupo dahil sa rin sa isyu ng command responsibility at wala siyang kinalaman sa ginawang pangongotong ng mga tauhan.

Ipinalit kay Aguas si Insp. Cesar Teneros bilang hepe ng PCP-2.

Sa reklamo ni Cababan, dinala siya at isa pa niyang kasamang babae sa presinto nang dakpin ng mga pulis sa hindi malinaw na kadahilanan at kinuha ang kanyang P7,000 cash, cellphone at relo bago pinaiwan ang kanyang motorsiklo na may plakang VA 5889 at sinabihan na makukuha lamang niya ang kanyang motorsiklo kapag tinubos niya ng P10,000.

Nagsumbong si Cababan sa programa ng magkakapatid na Erwin, Raffy at Ben Tulfo kaya isinagawa ang entrapment operation kung saan nilagyan ng nakatagong video recorder ang biktima bago humarap sa mga pulis.

Gayunman, habang nakikipag-usap na si Cababan kina PO3 Cabrera at PO1 Mendoza na nagtatanong kung dala na nito ang salapi, dumating pa sina PO1 hernandez, Po1 Recasio at PO1 Guzman na nakabisto sa nakalagay na lapel microphone sa biktima kaya’t kaagad nila itong inilagay sa selda.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply