Agawan sa pasahero nauwi sa saksakan

TAGUIG CITY – Nasa kritikal na kalagayan ang isang tricycle driver na sinaksak ng kapwa nito driver matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa sa pagsasakay ng pasahero sa TODA terminal, Barangay Sta. Ana ng naturang lungsod noong Martes ng hapon.

Ayon sa ipinarating na reklamo ni Recarfin R. Reyes Jr., electrician, at bayaw ng biktima ng pananaksak na nakilalang si Dominador Talavera, sinabi nito sa mga pulis na inundayan ng patalim sa katawan ng isang nagngangalang “Bernie” ang kanyang bayaw makaraang magtalo ang mga ito dahil sa pag-aagawan sa pasahero.

Si Talavera ay isinugod ng mga kapwa tricycle driver sa pagamutan habang ang itinuturong suspek naman ay mabilis na tumakas pagkatapos saksakin ang biktima.

Samantala, isang nagngangalang Mary Grace T. Garcia, 31, nakatira sa Blk. 26 Lot 1, Brgy. Upper Bicutan ang brutal na inatado ng saksak dakong 10:06 ng umaga noong Miyerkules ng isang alias “Zayde” na sinasabing nakatira umano sa Brgy. Maharlika sa ‘di naiulat na kadahilanan.

Nailigtas ng mga doktor ang buhay ni Garcia matapos itong dalhin sa Pasay General Hospital habang pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply