Akyat bahay nadakip sa ninakaw na cellphone

behind-bars-2

NADAKIP ang isang miyembro ng akyat bahay gang makaraang sumagot sa text ng ninakawang ahente ng beer sa Caloocan City kaninang tanghali.

Nakilala ang suspek na si Danilo Reyes, 26 ng Lakas ng Marami ng lungsod.

Sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw, pinagnakawan ng suspek ang biktima na si Rolando Diaz, 31, ahente ng San Miguel Beer sa kanilang bahay sa Kabulusan ng lungsod.

Natangay ng suspek ang dalawang cellphone, mga alahas, ilang damit at cash na P15,000 ng biktima.

Dakong alas-8:00 kaninang umaga, um-order ng beer ang suki ng biktima na si Myra Martin ng Kabulusan ng lungsod sa pamamagitan ng cellphone.

Sinagot naman si Martin ng suspek at sinabi dito na kailangang magdeposito ng P9,000 bago niya ideliber ang mga beer.

Makalipas ang ilang sandali ay dumating ang biktima sa tindahan ni Martin na naging dahilan upang sabihin ng huli na bakit nanghihingi ng deposito ang una.

Sinabi naman ng biktima na kasamang nanakaw ang kanyang cellphone nang looban ang kanilang bahay na naging dahilan upang humingi ng tulong sa barangay at magsagawa ng entrapment operation para mahuli ang suspek.

Nag-text ulit si Martin sa suspek at sinabing magbibigay na ng deposito at kunin sa kanilang tindahan.

Inabangan ng mga barangay tanod ang suspek at nang lumutang dakong alas-12 ng tanghali ay suot pa ang short ng biktima at agad na ininguso ng huli ang paparating na si Reyes.

Nakatunog si Reyes at tumakbo pa papatakas na naging dahilan upang habulin ng mga tanod ng Barangay 28 ngunit nahuli rin.

Nabawi ang cellphone, pera at ilang alahas ng biktima na nasa bulsa ng suot na short ng suspek.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply