Alitan ng 2 sekyu nauwi sa pamamaril, 1 sugatan

SUGATAN ang isang security officer nang tangkaing paslangin ng isang security guard matapos irekomenda ng nauna ang huli na mailipat ito sa ibang kompanya sanhi ng pagpapabaya sa tungkulin kamakalawa ng gabi sa Paranaque City.

Kasalukuyang ginagamot sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa kamay at daplis ng bala sa ulo ang biktimang si Augustus Ceasar Gabiazon, 32, security officer ng Securitron Security Service Inc. habang isinuko naman ng pamunuan ng security agency ang suspect na si Florencio Rios, 30, residente ng 15th St., Barangay Sto Nino, Paranaque city.

Sa imbestigasyon ni PO1 Pio Calvo, Jr. ng Investigation Section ng Paranaque police, pauwi na sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima dakong alas-7:15 ng gabi nang pagbabarilin ng suspect na sakay din ng isang motorsiklo pagsapit sa Ninoy Aquino Avenue, malapit sa Multinational Village.

Sa kabila ng pagtatamo ng sugat, nagawang makahingi ng tulong sa mga security guard ng PAGCOR ang biktima kaya’t mabilis na tumakas ang suspect sakay ng kanyang motorsiklo.

Ayon sa biktima, ilang ulit niyang nahuling natutulog sa oras ng trabaho si Rios kaya’t inirekomenda niyang mailipat ito ng puwesto na siyang ikinairita ng suspect.

Si Rios ay isinuko sa pulisya ni Benjie Duya, 42, security senior operation manager ng naturang security agency at nakatakda ng sampahan ng kasong frustrated murder sa Paranaque Prosecutors Office.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply