Amalayer’: Pang-aabuso sa modernisasyon

Allan Encarnacion mano_mano web copy

ISANG tipikal na ehemplo ng pang-aabuso sa modernong teknolohiya ang kumalat na video ng pagtataray ni Amalayer sa LRT station.

Habang pinagmumura ng netizens si Amalayer dahil sa kanyang walang patumanggang pagsabon sa lady guard ng LRT, hindi ko namang maiwasang mapailing sa klase ng mob behavior.

Kaya kinabukasan matapos maging viral ang video, pinaiimbita ko sana si Amalayer sa live guesting sa Mano-Mano ng ibabalita sa Studio  23 nitong nakaraang Thursday pero nabigo ang aming researcher na makuha siya.

Kaya ang pinakuha ko ay iyong nag-upload ng video na siya ring nakakuha ng actual footage.

Simple lang ang mga tanong natin sa nag-upload: nasimulan ba niya ang senaryo bago nag-amok si Amalayer? Matapos ba niyang kunan ng video, nag-effort man lang ba siya na tanungin ang pinag-ugatan ng pagwawala?

Kung hindi niya nakunan ang simula ng sitwasyon, sa tingin natin ay hindi niya dapat pinakalat ang video dahil magre-reak ang publiko batay lang sa kanilang nakita kaya ang ending, kinastigo ng buong mundo si Amalayer batay lamang sa actual na pagtataray niya at hindi nakita kung bakit.

Simple lang naman ang argumento ko dyan, hindi ka dapat naga-upload ng kahit anong video ng sino man kung hindi mo nakumpleto at  wala kang nakalap na detalye kung bakit nangyari iyon para hindi ka mabansagang iresponsable ng mga taong nag-iisip.

Pero ang problema, ginatungan pa ng nag-upload ng video ang kanyang nakunan dahil may komentaryo siya on the side ng uploaded material na sinasabi niyang ang makasalanan sa tagpong iyon ay si Amalayer.

Subalit ang ending, nag-sorry si lady guard kay Amalayer dahil nasaktan niya pala ito nang hindi padaanin sa security X-ray ang bag ng estudyante dahil nagmamadaling makapasok sa unibersidad.

Ito ang sinasabi natin na dapat maging maingat tayo sa anumang ikikilos natin. Sabihin na nating  sobra ang ginawang pagtataray ni Amalayer at hindi ganoon ang asta ng totoong may pinag-aralan.

Pero first thing first, dapat ay alam mo rin kung ano ang dahilan ng kanyang pagwawala.

Sa ating panahon ngayon, halos lahat ay may hawak nang camera dahil built in ito sa ating mga cellular phone. Pero huwag nating kalilimutan na hindi ito lisensiya para umakto tayo ayon lamang sa kaisipan ng anarkiya na lahat ng gusto natin ay puwede nating gawin.

Kailangang itrato natin ang camera na parang baril.

Kung hindi natin alam gamitin, maaari tayong makasakit, maari tayong makasira ng buhay ng isang tao. (Itutuloy)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply