Amalayer: Tao ang dapat magdikta sa teknolohiya

Allan-Encarnacion-mano_mano-web-copy

SA mga hindi nakabasa ng nakaraan nating kolum tungkol kay Amalayer, tinalakay natin ang kahalagahan ng pagiging responsableng mamamayan na armado ng camera sa lahat ng pagkakataon. Hindi po lahat ng nakukunan natin ay puwede nating i-upload sa internet para maging bukas sa mata ng publiko.

Sa ginawa po ng nag-upload ng video habang nagwawala si Amalayer, nahusgahan na siya ng publiko kahit hindi nalaman kung ano ang pinagmulan ng kanyang pag-aamok.

Katulad ng sinabi natin, bagama’t lumagpas si Amalayer sa hangganan ng pagiging edukado at mal-edukado, hindi pa rin iyon ang dahilan para maging biktima siya ng cyber bullying. Sa malayang himpapawid ng internet, hindi puwedeng itrato iyon bilang libre, bilang iyo, bilang sarili mo at bilang medium ng lahat ng gusto mong gawin o lahat ng gusto mong sabihin.

Ang pag-aamok ni Amalayer ay hindi natin puwedeng ikumpara sa nakukunan ng CCTV na ambush, robbery o anomang krimen dahil ka-ilanman, hindi dapat mabigyan ng katwiran ang anomang kriminalidad na ginawa ng mga pusakal.

May mga nakikipag-argumento rin sa akin kung  bakit daw ang TV 5 ay inilabas at ini-upload ang pananampal ni Carabuena sa traffic enforcer at bakit ang video ni Amalayer ay hindi puwede basta i-upload?

Sabi nga, huwag mong ikumpara ang mansanas sa suha. Simple lang ang paliwanag natin d’yan, kung sinampal, sinapok at sinabunutan ni Amalayer ang lady guard at na-video, wala akong pangingilagan, ia-upload ko rin iyon para maturuan ng leksiyon ang nanakit.

Naniniwala kasi tayo na walang anomang dahilan ang magbibigay sa sinoman ng karapatan na manakit ng kanyang kapwa.

Sa usapin naman ng Carabuena video, dapat lamang iyon dahil hindi naman tayo makapapayag na saktan at walanghiyain ng sinomang abusadong motorista ang ating awtoridad na katulad ni Traffic Enforcer Fabro.

Maraming pakinabang sa atin ang modernong buhay kung ikukumpara sa mga panahong walang internet, walang cellphone, walang fax machine at walang bullet train o Boeing 787. Nagkakaroon lang ng disadvantage kapag hindi na natin alam gamitin, kapag tayo na ang dinidiktahan ng teknolohiya sa halip na tayo ang mag-utos sa kanila.

Puwede namang mag-co-exist ang tao at teknolohiya, ang kailangan lamang, ang tao na may isip ang siyang dapat masunod at hindi ang mga kagamitang tao lamang ang gumawa.

***

Nangikil pala ng P30 million ang isa namang paboritong opisyal ni Noynoy. Nakipagkita sa Manila Hotel si opisyal para humingi ng tongpats sa isang nangangailangan ng proteksiyon sa kanyang opisina.

Ang problema, nakakikil na ng tatlumpung milyon, nakaimbento pa ng kuwento. Abangan ang detalye nito sa susunod nating kolum para may libangan kayo habang pinapanood ang matuwid na daan na may toll gate!

***

Ano ba ang inaarte ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome kung bigyan siya ng non-duty status habang papalapit na ang kanyang retirement sa March 2013?

Mukhang hindi alam ni Mang Nick at ng Palasyo ang sinasabi ng batas na ang isang paretiro nang opisyal o heneral ay hindi na dapat bigyan ng sensitibong posisyon kung isang taon na lamang ay magreretiro na siya. Dinapurak n’yo na nga ang batas, nagkukuwanwari pa kayo. allanpunlo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply