Ampatuan massacre ibalik sa live media coverage

_benny antiporda

ILANG tulog na lamang, ikatlong anibersaryo na ng Ampatuan masaker na naganap noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao.

Ano-ano na ba ang mga nangyayari?

Hindi tayo mapakali, mga Bro, sa mga nagaganap.

LIVE COVERAGE BAWAL NA

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ng mga Hukom na bumaligtad sa desisyon noon ni Associate Justice Conchita Carpio-Morales na pupuwede ang live coverage sa Ampatuan massacre.

Ayon sa desisyon na pinalabas lang ng SC nitong nakaraang nakaraang Lunes ngunit noong Oktubre 23, 2012 pa nagawa, bawal na ang live coverage ng telebisyon, radio at pahayagan sa pag-uusig na ginagawa sa Bicutan, Taguig, Metro Manila.

Maging sa iba pang mga hukuman na may nagaganap na mga kaugnay na pagdinig sa kaso ay bawal din ang live coverage.

‘DI MAPANONOOD SA TAHANAN

Ibig sabihin nito,. mga Bro, hindi mo na mapanonood ang trial sa kaso gaya ng nagaganap sa mga pagdinig na isinasagawa ng mga senador sa kanilang mga sesyon o imbestigasyon.

Wala ka ngang mapanonood dahil ibig sabihin ng Hukuman na bawal nang maglagay ng mga kamera at panrekord ang mga nasa telebisyon at bawal na ring magsubo ng mikropono ang mga taga-radio.

Maging ang mga may radio na reporter ng mga pahayagan ay bawal na ring magkober sa pagdinig.

PUNTA KA SA BICUTAN

Para sa ordinaryong mamamayan, at kahit pa kamag-anak ng mga biktima, kailangan nilang pumunta sa Bicutan upang mapanood nila ang trial.

Pero hindi sila nakasisiguro, mga Bro, na makapasok sila sa loob ng hukuman.

Maglalagay na lang yata sila ng lugar na doon ka pupuwedeng manood pero hanggang sa parang telebisyon ka na lang.

Ang saksi ay bawal na manood sa viewing aareas.

RASON NG HUKUMAN

Siyempre pa, may petisyon si Andal Ampatuan Jr. na ipagbawal ang live coverage.

Hiniling ni Ampatuan Jr. iyon para naman umano maprotektahan ang kanyang mga karapatan at iba pang mga akusado bilang mga akusado.

Sa ibang salita, ayaw nila ang trial by publicity kuno.

Baka mawala rin umano sa timbang ang huwes na dumirinig sa kaso ngayon.

Yun bang === baka ma-pressure lang ng publik opinion ang huwes at sa halip na makapaglabas ng makatarungang desisyon, baka yuyuko na lang umano ito sa pressure ng publiko.

Proteksyon ng akusado at proteksyon ng katarungan ang kabuuan ng petisyon nina Ampatuan.

PAANO ANG MGA BIKTIMA

Ang lahat ng mga kamag-anak ng mga biktima na walang kakayahan na pumunta sa Bicutan ay nawalan ng pagkakataon na masubaybayan ang katotohanan.

Mahihirapan na rin silang makaalam sa kung ano talaga ang nagaganap sa pag-uusig.

Kasama na rito ang mga anak o asawa o ina o ama ng mga biktima.

Samantala, buom-buo ang kaalaman ng mga akusado sa kung ano talaga ang nagaganap sa pag-uusig.

Paano ngayon malalaman ang mga maniobra na ginagawa ng mga may interes sa kaso, lalo na ang mga pabor sa pagpapawalang-saysay sa kaso?

ANG PUBLIKO PAANO

Hindi lang ang mga kamag-anak ng mga biktima ang nawalan ng karapatan na manood ng live sa trial.

Pati ang publiko, kasama na ang international community na nanonood ng live sa kaso at gustong malamang ang katotohanan sa krimen?

Inalis na kasi ang ala-coverage ng mga laban ni Pacquiao na mapanonood kahit sa mga covered court ng mga barangay.

Ano na nga ba ang nagaganap sa Hukuman at bumalik sila sa panahon na walang nakaaalam sa buong

nagaganap sa loob ng hukuman?

Eh wala namang nakatitiyak kung mas tama sila o hindi habang nakasarado ang kanilang pintuan sa publiko.

Ang Supreme Court nga ay kung ilang beses na sumirko-sirko bago na hihinto ito at sasabihin, ito, pinal na ito.

Nangyari ito, mga Bro, sa kaso ng mga munisipyo na gustong maging siyudad.

Ilang beses bang naging pro at anti ang SC mismo rito hanggang sa mabuwisit na lang ang mga mayor sa pagbali-baligtad ng mga hukom sa kanilang mga desisyon.

MAS MAGANDA KUNG BUKAS

Hindi kaya nakita ng mga Hukom na kung bukas sa publiko ang pagdinig o live ang coverage ng media, mas lalong titibay ang pagkakaroon ng tamang

katarungan?

Diyan maiiwasan ang mga maniobra, maiiwasan ng hukom ang pumanig sa kung kanino na may kinikilingan dahil bantay sarado ng publiko ang bawat galaw nito.

At dahil live ang coverage, walang nang sisihan pa kung may desisyon ang huwes.

Kung mapapawalang-sala ang mga akusado, so be it.

Kung mako-convict naman sila, so be it din.

Wala nang tututol sa anomang desisyon ng huwes dahil nakita naman ng  lahat ang naganap sa pagdinig.

PUNO NG PAGDUDUDA

Dahil sa pagsasara ng SC ng pintuan ng trial court sa Ampatuan massacre, aasahan na natin, mga Bro, ang mga malalaking pagdududa sa mga mahahalagang desisyon ng huwes at kaganapan.

Kabilang dito ang kung sino-sino ang mga pinal na akusado, ang mga testigong tatanggapin ng korte, ang mga ebidensiya at iba pa.

Dapat ibalik sa media live coverage ang Ampatuan massacre trial.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply