Anakpawis suportado si Casiño

SUPORTADO ng Anakpawis Partylist si Rep. Teddy Casiño sa kanyang kandidatura sa Senado sa darating na halalang 2013. Si Casiño ang kandidato ng Makabayan Coalition sa pagka-Senador. “Iba naman. Tama na ang mga dinastiya at tradisyunal na pulitiko sa Senado.”

Ayon kay Anakpawis Vice -Chair Fernando Hicap, kinakailangan magkaroon ng kinatawan sa Senado na tunay na magtataguyod sa interes ng mga aping sektor gaya ng mga manggagawa, magsasasaka, mangingisda at iba pang mahihirap.

“Tiwala kami sa kakayahan at paninindigan ni Bayan Muna Rep. Casiño. Alam naming uunahin niya ang adyenda ng mamamayan sa kanyang plataporma,” ayon kay Hicap.

Co-author si Casiño ng ilan sa mga mayor na panukala ng Anakpawis Partylist sa Kongreso gaya ng House Bill 374 or Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at House Bill 375 o P125 dagdag-sahod para sa mga manggagawa at iba pang maka-mamamayang panukala.

Kabilang sa mga pangunahing ikinakampanya ni Casiño ang pagtigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, produkto at serbisyo. Kasama rin dito ang paglaban nakaambang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT at pagtaas ng toll fee na di-makatarungan at dagdag pahirap lang sa mamamayan.

“Sobra nang nahihirapan ang taumbayan sa walang katapusang pagtaas ng presyo. Walang ginagawa ang gobyernong Aquino sa tumataas na presyo ng pagkain, kuryente, tubig at iba pang yutilidad at serbisyo. Hindi rin sapat ang price rollback ng produktong petrolyo.”

Umaabot na sa higit isanlibo ang Daily Cost of Living sa National Capital Region (NCR) para sa isang pamilyang may anim na miyembro samantalang P456 lamang ang minimum na sahod, kasama na ang kakarampot na P10 Cost of Living Allowance (COLA).

Sinabi ni Hicap na susuportahan at ikakampanya ng Anakpawis Partylist si Casiño para sa eleksyong 2013.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply