Ang halalan sa US

ANG tagumpay ni Pangulong Barack Obama kay Mitt Romney sa nagdaang halalang pampanguluhan sa United States ay masasabing tagumpay ng katwiran laban sa walang kawawang dogmatismo ng puwersang makakanan.

Hindi kaila na ang mga sumuporta sa kandidatura ni Obama, isang demokrata, ay ang masang Amerikano na kinabibilangan ng mga manggagawa, magsasaka, taong simbahan, mga cause oriented group, mga bading, tomboy, migranteng Hispanic, nurses at mga guro samantala ang sumuporta kay Romney na isang republikano ay ang mga dambuhalang korporasyon na ang mantra ay magkamal ng tubo sa kahit na anong paraan.

Matatandaan na bumagsak ang ekonomiyang U.S. dahil sa kawalang kakayahan ng dati nitong Pangulo na si Pangulong George Bush Jr., isa ring Republikano, at pagiging ganid ng mga dambuhalang korporasyon. Napigil lamang ang pagsadsad ng bansang ito nang mahalal si Obama apat na taon na ang nakararaan.

Binago ni Obama ang pundamental na tunguhin ng Amerika. Mula sa isang unilateral (makasarili) approach na pamumuno sa daigdig ay binigyang pagkakataon niya ang tinatawag na multi-lateral approach (maka-daigdig). Inayos din ni Obama ang ekonomiya sa pamamagitan nang pagpigil ng pamahalaan sa sobrang pagiging ganid ng mga nasa Wall Street, ang tahanan ng mga dambuhalang kompanya na nagpapatakbo sa ekonomiya ng U.S.

Malayo pa ang tatahakin ng U.S. upang manumbalik ang dating lakas nito subalit naniniwala ako na tama ang kanilang ginagawa sa ngayon.

* * *

Ang halalan sa U.S. ay mina ng aral para sa ating mga pul-politiko. Pansinin na sa loob lamang ng isang araw ay alam na kaagad ng mamamayang Amerikano kung sino ang nanalo sa kanilang karerang pampanguluhan. Kaagad na tumawag si Romney kay Obama para batiin ito sa kanyang tagumpay.

May palagay ako na kung ang halalalang ito ay ginanap sa atin ay tiyak na nagbibilang pa rin tayo ng balota. Tiyak ko rin na magbibintangan ng pandaraya at magpoprotesta pa ang mga kandidato. Haay, only in da Pilipins

* * *

Naaawa ako sa ginagawa ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III kay Philippine National Police Chief Nicanor Bartolome.

Akalain mo ngayon lang yata nangyari na pinipilit mag-resign ng isang Pangulo ang puno ng pulisya. Senyales ito ng hindi magandang ugnayan ng dalawang ito. Maraming nasasagasaan si Pangulong B.S. Aquino sa kanyang estilo ng pamumuno.

Nawawala tuloy ang peace and harmony sa pamahalaan.

Ano sa palagay ninyo?

* * *

Napapansin ko lamang na dumarami ang mga kabataang hindi na marunong gumalang sa mga nakatatanda sa kanila. Malaki ang epekto ng mga napanonood sa pelikula at kinakain ng mga bata sa kanilang pag-uugali.

Kung ang palagiang napapanood sa telebisyon ay mga kabastusan at kawalang konsiderasyon sa kapwa ng mga karakter na pinapanood ay hindi malayo na gayahin rin ito ng mga bata. Malaki rin ang epekto ng mga soft drinks, kendi at iba pang matatamis na pagkain sa pag-uugali ng mga bata.

Matagal ng may pag-aaral kung saan natuklasan na ang pag-inom ng soft drinks at pagkain ng mga matatamis ay nagiging sanhi ng pagiging marahas, matigas ang ulo at bastos ng mga bata.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *

Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply