Ang Ortega case at hamon kay PNoy

benny antiporda

NAKALULUNGKOT ang desisyon ng Court of Appeals na ibasura ang finding ng isang Department of Justice panel na nagsasabing sangkot sina dating Palawan Governor Joel Reyes at Coron, Palawan Mayor Mario Reyes sa pagpaslang kay ABS-CBN broadcaster Dr. Gerry Ortega.

TEKNIKALIDAD ANG DAHILAN

Sa pagkakaalam natin sa kaso, dalawang panel ang binuo ng DOJ para pag-aralan ang mga ebidensya at batas na ilalapat sa kaso.

Para sa tatawagin nating Panel No. 1, hindi sapat ang ebidensya na magsasangkot sa magkapatid na Reyes.

Dahil dito at sa paglipas ng mga araw at sa paglitaw ng mga bago umanong ebidensya, bumuo ng panibagong panel, tatawagin nating Panel No. 2, ang DOJ.

Basta binalewala na lang umano ng Panel No. 2 ang resolusyon ng Panel No. 1.

Ayon sa CA, wala raw kapangyarihan ang DOJ Panel No. 2 na balewalain ang kapantay nito sa kapangyarihan at tanging si DOJ Secretary Leila de Lima ang dapat na gumawa nito.

Isa pa, lumagpas umano ang Panel No. 2 sa ibinigay na kapangyarihan dito.

Naging trabaho lamang umano ng Panel No. 2 ang mag-assess at mag-evaluate ng resolusyon ng Panel No. 1 at hindi ‘yung i-takeover ang trabaho ng huli na hahawak sa pag-uusig ng kaso.

Kaya teknikalidad, mga Bro, eh, hindi pa pinag-uusapan ang sustansiya ng kaso na nagsasangkot kina Reyes at kung guilty sila o hindi sa kalaunan.

Yan ay kung masasama sila sa kaso.

MOTION FOR RECONSIDERATION

Sang-ayon tayo sa balak ng DOJ na magsampa ng Motion for Reconsideration sa CA at igiit nito na tama ang ginawa ng Panel No. 2 dahil maituturing na binasbasan na rin ito ng DOJ Secretary vs Panel No.1, na siyang hina-hanap ng CA.

Kung mananatili ang CA sa desisyon nito, kasama tayo sa pag-aakyat ng DOJ ng problemang ito sa Supreme Court.

Tiyak kasi na aabot ang kasong ito sa teknikalidad sa Supreme Court dahil normal na makikipagbakbakan ang mga abogado ng mga Reyes laban sa DOJ at pamilya ng biktima.

FINDINGS NG PANEL NO. 2

Hindi dapat na basta balewalain ang reinvestigation na ginawa ng Panel No. 2.

Sa panibagong imbestigasyon, may mga lumitaw na ebidensya na wala noon sa kamay ng Panel No. 1.

Kaya naman, nang isampa ng Panel No. 2 ang kaso na nagsasangkot sa Reyes brothers, sumang-ayon ang hukuman at agad itong nagpalabas ng warrant of arrest. laban sa mga akusado.

‘Yun bang === may sapat na ebidensya laban sa mag-kapatid at hindi katulad noong una na kulang ang mga ebi-densya na magdiriin sa kanila bilang mga akusado sa pagpatay kay Ortega.

FLIGHT IS A SIGN OF GUILT

Kapag tinakasan mo at hindi hinarap ang kasong isinampa laban sa iyo, maituturing na guilty ka bilang akusado.

Ito ang ginawa ng mga Reyes nang magsampa ang Panel No. 2 ng kaso laban sa kanila.

Lalo na nang magpalabas ang hukuman ng warrant of arrest.

Una, nagtago muna sila at walang nakaaalam kung saan sila nakatira.

Ikalawa, nalaman na lang natin sa huli na nasa ibang bansa na pala sila gamit ang mga pekeng pasaporte.

‘Yun bang === nakapangalan sa ibang tao ang gamit nilang mga pasaporte.

Ang masakit, may tumulong sa kanila na mga opisyal at empleyado ng pamahalaan upang madali silang makalusot sa mga ariport natin at lumabas ng bansa.

Ang sabi, maaaring nasa Vietnam o sa Thailand pa rin ang dalawa.

MGA UTAK ‘DI NAKAKALAWIT

Karaniwan nang hindi nakakalawit ng katarungan ang mga utak sa mga pag-paslang sa mediamen.

Tanging ang mga triggerman lamang ang nahuhuli at nakakasuhan, gaya ng nagaganap dito sa kaso ni Ortega.

Dahil sa mga pangyayaring ito, naririyan ngayon ang impunity o walang habas o pakundangang pagpaslang.

At ang masakit pa, nagagawa rin ng mga principal suspect na triggerman ang makalusot sa mga kaso sa paggamit ng dilim o ilang na lugar sa kanilang pagpatay at paggamit din ng mga sasakyan para sa mabilis nilang pagtakas. Dito lalong tumindi ang “impunity.”

69% GAWA NG NASA PAMAHALAAN

Ang nakatatakot sa mga krimen laban sa mediamen, 69 porsiyento rito ang gawa ng mga nasa pamahalaan.

Mula Malakanyang hanggang sa mga mayor, governor, sundalo at pulis..

Sampol ng kaso na sangkot ang Malakanyang ang pagpatay kay Marlene Esperat dahil sa expose at laban nito sa P720 milyong iskam sa abono noong nasa Malakanyang pa sina Aling Gloria.

Ibig sabihin nito, mga Bro, ginagamit ang mga kapangyarihan ng mga nasyonal at lokal na pamahalaan sa pagpaslang sa mediamen.

Kung nasa gobyerno na ang pumapatay sa mediamen, gamit ang mga baril, sasakyan at iba pang gamit ng gobyerno, ‘di ba talagang nakatatakot ‘yan?

HAMON KAY PNOY

Dito natin hinahamon ang Aquino government.

Dapat na tiyakin nito na tumigil na ang mga nasa pamahalaan sa pagiging balat-sibuyas sa mga balita at kritisismo ng mediamen ukol sa korapsyon, pandarambong at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Nais nating magkaroon ng balita na magiging zero ang rekord ng mga nasa pamahalaan bilang mga suspek sa pagpatay sa mediamen.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply