Ano ba ang ‘S-L-O-C’ at ang halaga nito sa atin?

ALAM na marahil ng nakararami sa ating mga kababayan na ang Pilipinas ay nakalugar sa isang estratehikong bahagi ng Timog Silangang Asya.

Alam din naman siguro ng nakararami sa atin na ang Pilipinas at ang malaking bahagi ng TSA ay tadtad ng mga isla at binubuo ito ng malawak na bahagi ng karagatan na dinaraanan ng daan-daang barko bawat araw.

Bunga nito, nalulugar din ang Pilipinas sa isang strategic maritime highway o iyong estratehikong daanang pandagat.

Ito ngayon ang tinatawag na sea lines of communication.

Mahalagang pangalagaan ito dahil ang SLOC ay ang pangunahing daanang pandagat sa pagitan ng mga daungan ng iba’t ibang bansa at kung saan din ang kani-kanilang mga barko ay dumaraan araw-araw dahil sa pandaigdigang kalakalan at komersyo.

Ito ngayon ang maglalagay sa Pilipinas sa isang katayuang estratehiko ‘di lamang para sa TSA kundi maging sa buong mundo.

Ganito kahalaga ang pwesto ng Pilipinas sa pandaigdigang lebel ng seguridad at ekonomiyang nakasalalay sa karagatan.

Dahil sa katayuang ito, ang Philippine Navy, kasama ang iba pang mga sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa karagatan, ay naatasang mangalaga sa teritoryong pandagat ng bansa na may malaking bahaging nakalugar sa pandaigdigang SLOC.

Kasabay nito, ang Armed Forces of the Philippines, sa pamamagitan ng PN ay pinagkatiwalaang bigyan ng malaking papel na gagampanan na makipag-ugnayan nang puspusan sa mga kaalyadong bansa na pangalagaan ang seguridad ng SLOC na nasasakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Sa puntong ito, sadyang hindi matatawaran ang kahalagahan ng isang malakas at maaasahang Navy na epektibong mangangalaga sa seguridad ng teritoryong pandagat at ng SLOC na nasasakop nito.

Ang tungkuling ito ang maninigurado na ang SLOC ay mananatiling tuloy-tuloy para sa pandaigdigan at rehiyunal na komersyo at kalakalan.

Kaya’t mga kapatid, huwag sana nating kalimutan na ang isang malakas at maaasahang Navy ay magbibigay ng pagkakataon sa ating lahat na magkaroon ng epektibong pangangalaga sa ating kapaligiran na sumasakop sa mahalaga at malaking bahagi ng SLOC sa rehiyon ng TSA.

At sa tulong at suporta ng bawat mamamayang Pilipino para sa kanilang Navy ay mabibigyan ng benepisyo hindi lamang tayong lahat kundi ang ating mga kapitbahay na bansa.

Kaya natin ‘yan Pinoy!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply