Araw ng Supremo

square-nelson-flores

KAHAPON, araw ng Biyernes, ang ika-149 na taong kaarawan ni Supremong Andres Bonifacio, ang ama ng himagsikang 1896 at ang tunay na unang Pangulo ng bansa.

Nakalulungkot na wala akong nakikitang mga malalaking paggunita ang pambansang pamahalaan para sa araw ng Supremo maliban sa mangilan-ngilang pag-alaala ng mga lokal na pamahalaan. Tila para sa mga nasa poder ay ibig na lamang nilang limutin ang araw na ito.

Pansinin na hindi maihahambing ang ginagawang selebrasyon sa araw ng Supremo kumpara sa araw ni Dr. Jose Rizal tuwing ika-30 ng Disyembre. Malinaw at tahasang panliliit ito sa katayuan ng Supremo sa hanay ng mga bayani.

Noong nabubuhay ang Supremo ay isinilang siya sa tigmak na kahirapan. Nagtiyaga upang matuto, pumasok sa masoneriya at buong tapang na binuo ang Kagalang-galangang Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan upang mapalaya ang ating bayan mula sa mga Kastila.

Pinagtaksilan at ipinapatay ni Emilio Aguinaldo si Bonifacio sa Cavite matapos agawin ng una ang pamumuno ng himagsikan. Matapos mapatay ang Supremo ay ginahasa naman ang kanyang balo ni Koronel Agapito “Yntong” Bonzon, isang malapit na kabig ni Aguinaldo.

Ito ang mapait na kapalaran na sinapit ng ama ng himagsikang naging ugat ng ating kalayaan sa ngayon. Sa kabila ng katotohanang ito ay tila iilan lamang ang nagpapahalaga sa kanyang sakripisyo at ng kanyang maybahay.

Tiyak ko na sa mga sandaling ito ay hindi pa rin natatahimik ang Supremo.

Ipagbunyi natin ang araw ng Supremo sa pamamagitan man lamang ng pagtitirik ng kandila para sa kanyang ala-ala.

* * *

Abalang-abala sa pagsu-syuting si Kyusee Mayor Herbert Bautista para sa nalalapit na film festival kaya hindi ito napagkikita sa kanyang tanggapan. Ito pala ang dahilan kaya magulong-magulo sa Kyusee ngayon.

Napababayaan ang tungkulin dahil sa puyat na puyat si Bautista sa pagsu-syuting.

Kawawa naman ang mga taga-lungsod kasi parang mas mahalaga sa kanilang mayor ang telon kaysa sa kanila na taga-lungsod.

* * *

Marami ang naniniwala na dapat ng ibasura ang Lina law dahil ito ang dahilan kaya dumarami ang mga informal settler sa Kalakhang Maynila.

Maraming taxpayer ang naiinis sapagkat ang mga informal settler na ito ay malakas pa ang loob na humingi ng bayad para lisanin nila ang lupa ng pinag-iskwatan nila sa loob ng mahabang panahon. Pinakinabangan na nga nila ang lupa na hindi naman kanila hihirit pa ng bayad.

Bukod sa bayad ay ibig rin nila na bigyan sila ng trabaho, eskwela, at ospital sa kanilang lilipatan. Kapal ng mga mukha gayong hindi naman sila nagbabayad ng buwis, ang mariing sabi ng aking kausap na isang mataas na opisyal ng Kyusee.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring, pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, Barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *

Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply